Belgica hinamong pangalanan ang mga ‘corrupt’ na kongresista

Imahe mula sa UNTV
  • Hinamon ng dalawang mambabatas si Belgica na pangalanan ang mga tiwaling congressman
  • Hindi raw patas para sa buong Kamara ang mga alegasyon ng PACC official
  • At kung wala naman umanong ebidensiya ay mas mabuting tumahimik na lang si Belgica

Pinalagan ng dalawang mambabatas sa Mababang Kapulungan ang ginawang pagbubunyag ni PACC Commissioner Greco Belgica tungkol sa diumano’y mga kongresista na sangkot sa katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Magugunitang ibinulgar ni Belgica kamakailan na aabot sa isang dosenang kongresista ang nasa listahan ng mga tiwaling government officials at karamihan sa kanila ay sangkot sa DPWH corruption. Base umano ito sa mga ebidensiyang nakalap nila mula sa mga saksi.

Image by Mike T. Defensor via Facebook

Subalit para kay Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, hindi sapat ang mga alegasyon lamang ng PACC at bagkus ay kailangan daw na pangalanan ni Belgica ang mga mambabatas na tinutukoy niya para naman maging patas sa iba pang miyembro ng kapulungan.

Ilang beses na raw kasing puro ‘pagbubulgar’ lamang ang ginagawa ni Belgica pero wala naman itong binabanggit na pangalan dahil sa kakulangan ng ebidensiya umano.

“If that is so, then he should just shut up. If he has evidence that can stand in court, he should file cases against the lawmakers he claims are involved in corruption,” ani Defensor.

Para naman kay Ako Bicol party-list Rep. Alfredo “Pido” Garbin, Jr., maging siya ay suportado ang anti-corruption drive ng gobyerno subalit kung hindi naman kayang maglatag ng ebidensiya ni Belgica ay ano ang silbi ng ginawang pagbubunyag ng PACC official.

“To be fair to Congress, the PACC should name the less than twelve legislators allegedly involved in corruption activities alongside DPWH officials. More importantly, evidence must be presented and cases must be filed,” giit ni Garbin.

Imahe mula sa Abogado

Dahil dito kapwa hinamon nina Defensor at Garbin si Belgica na maglabas ng ebidensiya at pangalanan ang kanilang mga kasamahan na tinutukoy ng PACC. Subalit kung hindi ito kayang gawin ng huli ay mas mabuting manahimik na lang sila.

BASAHIN: Isang dosenang congressmen sangkot sa korapsyon sa DPWH projects – PACC

Sa kaniyang programa sa radyo nitong Miyerkules, isiniwalat ni Belgica na ang 12 kongresista ay may natatanggap na komisyon sa mga proyekto ng DPWH na 5 hanggang 15 porsiyento.

Ganunpaman, sa kabila ng kanilang natanggap na impormasyon, hindi umano magawang imbestigahan ng PACC ang mga sangkot na mambabatas dahil hindi ito sakop ng kanilang mandato dahil ang mga presidential appointees lang ang maaaring silipin ng commission.

Loading…