Cagayan governor itinangging nagpapatupad ng mahigpit na quarantine protocol para sa media ang probinsiya

Imahe mula sa Cagayan Provincial Information Office
  • Itinanggi ng gobernador ng Cagayan na mahigpit ang quarantine protocol ng probinsiya sa media
  • Ito ay matapos ibahagi ng isang photojournalist na ipinatutupad ang 14-day quarantine sa lahat ng papasok sa probinsiya kabilang na ang media
  • Iniutos na rin ng DILG na ‘wag gawing sagabal ang mahigpit na protocol sa pagpasok ng tulong sa mga naapektuhang lugar

Itinanggi ni Cagayan Governor Manuel Mamba na ipinatutupad ng probinsiya ang mahigpit na quarantine protocol sa mga kasapi ng media na nais mag-cover sa sitwasyon doon sa gitna ng malawakang pagbaha sa mga lugar na malapit sa Cagayan River.

Sa ginanap na Laging Handa online briefing nitong Lunes, Nobyembre 16, sinabi ni Mamba na wala itong katotohanan at katunayan daw ay welcome sa kanilang lugar ang media.

Gov. Manuel Mamba| Imahe mula sa PIA

“Nagtrending pa nga po kami na ayaw daw namin silang pumasok. That’s not true po. Meron naman po kaming mga testing na nangyayari dito. At iyong sinabi nilang quarantine, that’s not true. They are all welcome dito sa amin,” paliwanag ng gobernador.

“Ang dami pong media dito since the very start. National, international at local media are always welcome dito,” dagdag pa ng opisyal.

Noong nakaraang Biyernes kasi ay ibinahagi sa Twitter ng photojournalist na si Ezra Acayan na ipinag-uutos umano ng lokal na opisyal ng lalawigan ang 14-day quarantine protocol para sa mga bibisita doon at kabilang na rito ang media at aid workers.

Screenshot mula sa Twitter| Ezra Acayan

Kaagad namang umani ng negatibong reaksiyon ang ibinahagi ni Acayan at marami ang nagsabing kailangang i-lift na ang protocol na ito kung nais na mai-cover ng media ang nangyayari sa Cagayan at sa iba pang bahagi ng rehiyon.

Kaugnay nito, hiniling din ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa pamunuan ng lalawigan ng Cagayan na tanggalin na muna ang mahigpit na quarantine protocol upang bigyang daan ang pagpasok ng relief, search and rescue teams at media outlets.

“The situation in Cagayan requires unhampered disaster response and recovery operations by rescue and relief organizations. Therefore, all LGUs in Cagayan and Isabela should ease up access in their areas to facilitate disaster operations,” ani Interior Secretary Aduardo Año sa isang pahayag.

Imahe mula sa PCOO

Hindi raw dapat maging sagabal ang health protocol sa pagpasok ng government at private sector humanitarian assistance at response personnel sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad.

Ganun pa man, iniutos na rin ni Año sa Regional IATF at LGUs na ipatupad pa rin ang ‘mimimum health standards’ sa pagsasagawa ng relief operations sa rehiyon.

Loading…