
- Nahablot ng mga snatcher ang cellphone ni Labor Sec. Bello sa Maynila
- Nangyari ang insidente nitong Biyernes malapit sa Mehan Garden sa may Manila City Hall
- Apat na kabataan ang nasakote ng ka
pulisan sa Quiapo at tatlo dito ay menor de edad
Nahablutan ng cellphone si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III habang nasa loob ng kaniyang sasakyan nitong Biyernes.
Ayon sa ulat, nasa sasakyan si Bello at may kausap sa cellphone malapit sa Manila City Hall at Mehan Garden nang mangyari ang insidente.

Binuksan umano ng kalihim ang bintana ng kaniyang sasakyan dahil mahina ang signal subalit hinablot ito ng ilang kabataan.
Kaagad namang ipinag-alam ng opisyal sa maykapangyarihan ang pangyayari na nagsagawa ng follow-up operations sa Quiapo, Maynila.
Nitong Linggo, nahuli ng mga pulis ang mga kabataang nasa edad 15 hanggang 18 na itinuturong siyang nang-snatch ng cellphone ng kalihim.

Sinubukan umanong ibenta ng isa sa kanila ang cellphone sa tulong ng isang babae sa halagang P30,000. Ang naturang babae ang nagsilbing testigo ngayon para sa kaso.
Nahuli rin ang bumili ng cellphone na si Omar Sidic dahil sa paglabag sa anti-fencing law. Naibenta umano ni Sidic ang nasabing mobile phone sa halagang P34,000 bago nerkober ng awtoridad ang unit.

Samantala, tatlo sa mga nahuli ay menor de edad habang ang isa naman ay 18 anyos, ayon sa Manila Police District. Ang isang 17 anyos sa kanila ay may dati nang rekord ng pagnanakaw umano.
Isasailalim ngayon ang tatlong kabataan sa pagsusuri ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang malaman kung maaari silang sampahan ng kaso.