Contact tracing log, ‘wag gawing biro: Sakuragi ng Shohoku pumirma sa log book?

Image by Slam Dunk Anima via Instagram | Image by Radyo Bida - Koronadal City via Facebook
  • Hanamichi Sakuragi, pumirma sa contact tracing log?
  • Pinaalalahanan ang mga mamamayan na seryosohin ang contact tracing log
  • Dito kasi malalaman kung sino ang mga nakasalamuha ng carrier ng COVID-19

Mahalagang sumunod sa mga health protocols na ipinatutupad ng gobyerno para maiwasan ang mabilisang pagkalat ng COVID-19, kabilang na rito ang pagsusuot ng face mask at face shield tuwing lumalabas. Mahalaga ring punan nang wasto ang mga contact tracing log para kagyat na malaman kung sinu-sino ang mga nakasalamuha ng taong nahawa nito, kaya lamang, pati anime character ay pumipirma rin sa log book?

Image by Slam Dunk Anima via Instagram

Pagbabahagi ng Radyo Bida – Koronadal City sa Facebook kamakailan, mayroong mga kababayan na hindi inilalagay ang wastong impormasyon patungkol sa kanilang mga sarili sa mga contact tracing log.

Makikita sa larawang kalakip ng post ang pangalang Hanamichi Sakuragi na pumirma noong November 25, 2020. Mababasa pa na ang address nito ay Shohoku.

Si Sakuragi ay ang main character sa pamosong anime series na Slam Dunk kung saan nakapokus ang istorya sa kuwela at mahusay na high school basketball player ng Shohoku High School. Patok ang anime series sa mga Pinoy at makailang beses na ring naipalabas sa GMA Network.

Maliban dito, nabanggit pa sa post ng Radyo Bida na mayroon ding mga diumano’y naglalagay ng Naruto, Batman, Superman at iba pang karakter sa mga palabas sa telebisyon at pelikula sa halip na ang kanilang wastong pangalan.

Patuloy namang pinaaalalahanan ang mga mamamayan na seryosohin ang mga contact tracing log at maglagay ng wastong impormasyon nang sa gayon ay mas madaling mako-kontrol ang COVID-19. Huwag itong gawing biro o katatawanan sapagkat kaligtasan ng marami ang nakasalalay.

Image by Radyo Bida – Koronadal City via Facebook

Nag-trending ang update ng Radyo Bida at nakalikom na ng higit 5,500 reaksyon at nasa 7,100 pagbabahagi habang ipino-post ito.

Komento ng isa, “Mukhang nakakatawa, pero mahihirapan ang mga magko-contact tracing ‘pag ganyan. Kawawa naman sila at ‘yung nagsulat. Tsk. Tsk.”

Saad naman ng iba, “Pinalalala niyo lang ang sitwasyon, tigilan ninyo na ‘yan. Marami na nga ang naiuulat na nahahawa tapos ginagawa pang katatawanan.”

Image by Slam Dunk Anima via Instagram
Source :

Facebook

Loading…