Customer ng isang rider namigay ng burger sa mga nangangailangan

Imahe mula kay Mark Berdan via Philippine Star
  • Napahanga ang netizens sa isang hindi nagpakilalang customer ng isang delivery rider na bumili ng pagkain para sa mga nangangailangan
  • Kuwento ng rider na si Mark Berdan, ihahatid na sana niya ang ilang piraso ng burger na ipinabili sa kaniya nang makatanggap siya ng mensahe mula sa kaniyang customer
  • Sinabihan siya nito ipamigay na lamang sa mga taong nagugutom at sa kaniyang pamilya ang burger na kaniyang binili

Sa kabila ng kinahaharap na pandemya ng bansa ay patuloy pa ring laman ng balita ang mga ulat tungkol sa riders na naloko ng kanilang mga customer.

Kaya naman labis na ikinatuwa ng isang rider nang makatanggap siya ng mensahe mula sa kaniyang customer na naglalayong makatulong sa kaniyang pamilya at sa iba pang mga nangangailangan.

Imahe mula kay Mark Berdan via Philippine Star

Makikita sa palitan ng mensahe ng rider na si Mark Berdan at ng hindi pinangalanang Good Samaritan na sa halip na ipahatid sa kaniyang tahanan ang 35 piraso ng burger ay ipinamigay niya ito sa mga nagugutom at maging sa pamilya ng rider.

“Kuya, hindi mo na kailangang pumunta rito. ‘Yong 30 pieces ng burger, ipamigay mo along the way diyan sa mga nasa kalsada na nagugutom tapos ‘yong five pieces pa na burger, iuwi mo sa pamilya mo,” saad sa mensahe niya.

Noong una ay hindi makapaniwala sa kaniyang nabasa si Mark at nag-alala rin siyang mai-report siya sakaling nagbibiro lamang ang kaniyang customer.

“Hindi, Kuya. Ginagawa ko ‘yan lagi,” pagsisiguro naman sa kaniya ng customer.

Imahe mula kay Mark Berdan via Philippine Star

Bilang patunay na ipinamahagi niya nga ang mga burger ay kumuha pa ng larawan si Mark. “Kuya Mark, okay na po. Hindi kailangan ng pictures. I trust you naman po. Salamat,” sabi sa kaniya ng kaniyang customer.

Dahil dito ay napahanga rin ang mga netizen sa hindi nagpakilalang customer. “Bravo! May your tribe increase. Only God knows your heart’s selfless and pure intents,” komento ni V. Go.

“God bless kay Ate and the Grab driver for being an instrument of such kindness,” sabi naman ni E. Martel.

Naging inspirasyon naman ang kabutihang-loob na ito para sa ilang netizens na nais na rin itong gayahin. “Salamat. For sure ay gagawin ko rin ito pero ako na ang magbibigay sa kanila. Give love on Christmas Day,” sabi ni F. Baruela.

Pangako naman ni L. De Villa, kapag nagkaroon siya ng sapat na pera ay gagawin niya rin ito.

Saludo sa mabuting loob na nakaisip nito!

Source :

Facebook

Loading…