Dahil sa ‘internet lag’ bata naka-order ng mahigit 40 chicken fillet; delivery riders sunod-sunod na dumating

Screenshot mula sa Facebook Live ni Dann Kayne Suarez
  • Halos sunod-sunod na dumating ang mahigit 30 delivery riders sa isang bahay sa Cebu City
  • Ibinahagi ng isang netizen na umorder ang kanilang kapitbahay na bata subalit nagkaroon raw ng problema sa internet
  • Tumulong naman ang ilang kapitbahay para bayaran ang ibang order subalit hindi pa rin ito naubos

Mangiyak-ngiyak at hindi malaman ng isang batang babae ang gagawin matapos sunod-sunod na dumating sa kanilang bahay ang mga riders upang mag-deliver ng kaniyang inorder na pagkain sa isang app.

Ayon sa kuwento ng netizen at kapitbahay na si Dann Kayne Suarez, na nakuhanan pa sa Facebook Live ang pangyayari, mahigit 30 delivery riders ng Food Panda ang dumating sa bahay ng 7-anyos na bata bitbit ang iisang order – chicken fillet na may kasamang French fries.

Nangyari ang insidente nitong Miyerkules, Nobyembre 25, dakong alas-11 nang umaga sa Barangay Mabolo, Cebu City.

Screenshot mula sa Facebook Live ni Dann Kayne Suarez

Napag-alaman na umorder pala ang bata ng naturang pagkain subalit dahil umano sa lag sa internet, paulit-ulit nitong napindot ang app kaya umabot sa 42 piraso ng chicken fillet at fries ang na-order.

Ang presyo ng nasabing combo ay P189 kaya umabot sa P7,938 sana ang babayaran ng bata. Pero mahigit 32 riders na lang daw ang nakarating dahil na-cancel na ang iba pang order.

Ganunpaman, halos maiyak daw ang bata dahil sa takot. Dahil dito naawa umano ang kanilang kapitbahay kaya ang iba sa kanila ay binili na lang ang iba pang orders.

Panoorin ang Facebook Live ni Dann Kayne Suarez

Kasama ng bata sa kanilang bahay ang kaniyang lola at iniwan sa kanila ng kaniyang magulang ang smartphone para maka-order sila ng pagkain online. Pareho umanong nagtatrabaho ang magulang ng nasabing bata.

Isinisi umano ng bata sa lag ng internet ang kaniyang pagkakamali, ayon pa kay Suarez.

“Ang nahitabo kay nagsige siyag order, nihinay ang connection nila. Meaning mi-error siya. Kay mi-error, mipindot na pud siya og laing order. Sige lang gihapon siya,” kuwento ng netizen na nagbahagi ng kuwento.

Kahit pa tumulong na ang mga kapitbahay para bayaran ang ibang orders, hindi pa rin umano naubos ang lahat ng nai-deliver kaya ang ibang riders ay ibinalik na lamang ang mga ito.

Loading…