Dalawang isinarang U-turn slots sa EDSA planong buksang muli ng MMDA

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Planong buksan muli ng MMDa ang dalawang isinarang U-turn slots sa kahabaan ng EDSA
  • Ito ay ang sa may bandang North Avenue at sa may Congressional Avenue
  • Subalit hindi raw ito maipatutupad kaagad bago dumating ang Kapaskuhan

Pinag-iisipan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na muling buksan ang dalawang U-turn slots sa kahabaan ng EDSA na isinara kamakailan upang mabawasan ang bigat ng trapiko na idinulot nito sa mga pribadong motorista.

Sa panayam ng Teleradyo kay MMDA General Manager Jojo Garcia, sinabi ng opisyal na plano nilang buksan muli ang U-turn slot sa may North Avenue at Congressional Avenue dahil ito ang may pinakamaraming gumagamit.

Garcia| Imahe mula sa MMDA facebook

Subalit hindi raw ito ganun kadaling gawin at maaaring sa mga susunod na buwan pa. Ito ay dahil may kailangang gawing istruktura sa lugar upang maging epektibo ito.

“Pero hindi pa natin magagawa sa ngayon ‘yan, may kaunting imprastruktura ‘yan,” ani Garcia. “Bakal lang ilalagay mga 50 meters ang haba. Sa NLEX, sa viaduct nung araw, naglagay sila ng maliit na bakal parang humps na malaki.”

Kailangan daw na maglagay ng maliit na flyover sa lugar at ang ilalim nito ang gagawing U-turn slots. Sa ganitong paraan umano ay hindi masayadong maaapektuhan ang daloy ng trapiko.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Ayon kay Garcia, pinag-iisipan pa lamang nila ito at hindi puwedeng asahan na maipatutupad na bago dumating ang Kapaskuhan.

Magugunitang noon pa nag-abiso ang MMDa na unti-unti nilang ipasasara ang mga U-turn slots sa kahabaan ng EDSA kaugnay na rin sa pagpapatupad ng dedicated EDSA busway.

Bagama’t nakatulong ang nasabing hakbang sa mga pampasaherong bus, perwisyo naman ang dulot nito sa mga pribadong motorista dahil kailangan nilang dumiretso pa sa may bandang Caloocan para lamang makaikot at makabalik.

EDSA Busway| Imahe mula sa UNTV News

Bukod dito, umaangal din ang mga pampasaherong dyip na gumagamit ng ruta dahil dagdag konsumo rin umano ito sa gasolina bukod pa sa nauubos ang kanilang oras sa biyaheng paikot.

Sa kabila ng mga reklamo, iginiit ng MMDA na mas malaki ang naging benepisyo ng nasabing hakbang sa mga commuters na bumibiyahe mula Monumento hanggang Ayala at vice versa dahil napaikli ang oras ng kanilang biyahe mula sa dating 3 oras at ngayon ay 45 minuto na lamang.

Loading…