Dike na may mataas na pader solusyon sa pagbaha sa mga komunidad na katabi ng ilog – PNP Chief Sinas

Imahe mula sa PNP
  • Mas mataas na dike isang solusyon upang mabigyan ng proteksyon sa pagbaha ang mga komunidad na malapit sa mga ilog
  • Sa isinagawang aerial inspection, napansin ni PNP chief Debold Sinas na marami nang mga kabahayan sa tabing-ilog
  • Nag-deploy si Sinas ng higit 25,000 PNP officers upang tumulong sa mga search and rescue operations sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Ulysses

Pinangunahan ng bagong PNP Chief na si Major General Debold Sinas ang buong puwersa ng kapulisan na rumesponde sa mga naapektuhan ng bagyong Ulysses.

Imahe mula sa PNP

Kasama ng ilang PNP commanders, nagsagawa si Maj. Gen. Sinas ng aerial inspection sa mga binahang lugar kabilang na ang Marikina City, Pasig City, Payatas sa Quezon City at sa Rizal Province.

Sa ginawang pag-iinspeksiyon ay napansin ng PNP chief na marami nang mga kabahayan sa mga tabing-ilog na unang naaapektuhan ng baha kapag umapaw ang tubig ng ilog. Aniya, may mga dike naman sa mga naturang komunidad, subalit naisip niya na dapat taasan ang bakod nito upang maging mas epektibo bilang pananggalang sa pagbaha.

“Marami na tayong bahay na malapit talaga sa tabi ng ilog. Ang dike naman may wall naman so medyo baka taasan natin,” wika ni PNP chief Sinas.

Ipinag-utos ni Sinas ang pagde-deploy ng mahigit 25,000 PNP officers upang tumulong sa search and rescue operations na isinasagawa sa mga lugar na apektado ng Ulysses. Mahigit limang libong pulis ang itinalaga sa disaster response operations at mahigit tatlong daan naman ang nagbigay ng seguridad at tumulong sa pagpapatupad ng kaayusan sa mga evacuation centers.

Imahe mula sa PNP

Sa pamamagitan ng PNP Command Center ay patuloy pa ring nakasubaybay ang PNP sa mga sitwasyon sa mga apektadong rehiyon upang agad makapag-deploy ng mga tauhan ng kanilang disaster response unit kung kinakailangan pa.

Loading…