DOH may babala sa mga hindi rehistradong bakuna kontra COVID-19

  • Naglabas ng babala ang DOH sa mga bakunang hindi rehistrado sa FDA
  • Wala pa umanong aprubadong bakuna laban sa coronavirus na maaaring gamitin sa Pilipinas
  • Delikado raw ito dahil buhay ng mga mamamayan ang nakasalalay

Nagbabala ang Department of Health (DOH) tungkol sa paggamit ng COVID-19 vaccine na hindi pa rehistrado sa Food and Drugs Admnistration o FDA.

Ito ay matapos lumabas ang ulat noong nkaraang araw tungkol sa dalawang mambabatas na diumano’y nagpaturok na ng bakuna kontra COVID-19.

Imahe mula sa DOH

“Gusto nating sabihin sa ating mga kababayan wala pa pong aprubadong bakuna na puwedeng gamitin dito sa ating bansa para sa COVID-19,” paalala ni Health Undersecretary Rosario Vergeire, ang tagapagsalita ng ahensiya.

Ani Vergeire, hindi pa pinapayagan sa bansa ang pagpapaturok ng bakuna laban sa coronavirus lalo pa’t hindi pa ito rehistrado sa FDA o kaya ay dumaan man lang sa clinical trials. May mga proseso umanong kailangang daanan ang anumang gamot upang matiyak na ligtas itong gamitin ng mga Pilipino.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

“Alam naming talagang sabik na tayo na ma-receive itong vaccine na ito dahil sa takot, dahil sa gusto na nating matapos itong nangyayari sa ating sitwasyon ngayon but this is not the right way to go. So pinapaalalahanan natin ang lahat, mag-ingat tayo,” paliwanag ng opisyal.

Mababatid na ibinuko kamakailan ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na nagpaturok na ng COVID vaccine sina Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at House Majority Leader Martin Romualdez. Hindi naman malaman kung dito sa bansa o sa abroad ito ginawa ng dalawang mambabatas at wala ring kumpirmasyon mula sa kanilang kampo.

Rep. Romualdez| Imahe mula sa Facebook

Samantala, ipinaalala rin ni Vergeire na may kaukulang parusa o sanctions ang mga manufacturers, suppliers o distributor ng gamot na hindi dumaan sa pagsusuri ng FDA.

Kailangan umanong hintayin na matapos ang regulatory procedures bago maipamahagi ang isang gamot o bakuna dahil buhay ng mga tao at public health ang nakasalalay dito.

Loading…