DOH nagbabala sa paggamit ng generator set sa loob ng bahay kapag walang kuryente

Imahe mula sa DOH
  • Nagbabala ang DOH sa publiko na huwag gumamit ng generator set sa loob ng bahay kapag walang kuryente
  • Sa mga gumagamit na ng generator set, ipinayo ng DOH na dapat laging tiyakin na maayos na gumagana ang exhaust system nito
  • Ang generator set o anumang device na gumagamit ng gatong gaya ng propane, gasolina, langis, uling o kahoy ay nagbubuga ng carbon monoxide na makasasama sa kalusugan

Isang advisory ang inilabas ng Department of Health (DOH) noong Sabado, November 14, na nagbibigay ng babala sa publiko na huwag gumamit ng generator set sa loob ng bahay o sa anumang enclosed spaces kapag walang kuryente dahil posibleng mauwi iyon sa pagkalason dulot ng carbon monoxide.

Imahe mula sa DOH

Ang warning ng DOH ay kasunod ng pananalasa ng sunud-sunod na bagyo na ikinawasak ng mga imprastraktura na nagresulta sa malawakang power outage sa mga probinsya at siyudad.

Sa mga gumagamit ng generator set, ang payo ng DOH ay dapat siguraduhin na ang exhaust system o vent ng generator set ay maayos na gumagana bago iyon gamitin. Dapat umanong mahigpit na sundin ang safety instructions mula sa manufacturers nito at regular na magsagawa ng maintenance.

Ayon sa DOH, ang carbon monoxide ay isang uri ng gas na walang amoy, kulay o lasa. Produkto ito ng pagsunog ng anumang panggatong gaya ng propane, gasolina, langis, uling, o kahoy.

Kapag nalanghap ang carbon monoxide ay pumapasok ito sa daluyan ng dug0 at nakahaharang sa pagpasok ng oxygen. Magsisimula ang pagkalason mula sa carbon monoxide kapag nagkulang na ang oxygen sa ating katawan.

Kabilang sa mga sintomas ng pagkalanghap ng carbon monoxide ay ang pananakit ng ulo, kahirapan sa paghinga, pagkaantok, panghihina, pagduduwal, pagkalito, pagkahimatay. Sa malubhang kaso nito ay magiging mahina ang pulso at mauuwi sa coma.

Imahe mula sa DOH

Kapag hindi agad papansinin ang mga maagang senyales ay posibleng hindi na makaligtas sa panganib na dala ng paglanghap ng carbon monoxide.

 

Loading…