DOT kinondena ang ginanap na Halloween party sa Boracay; establisimyento posibleng ipasara

Imahe mula sa Traveloka
  • Tinawag na ‘iresponsable’ ni Tourism Sec. Puyat ang ginanap na Halloween party sa Boracay
  • Isa umano itong paglabag sa health protocol na ipinatutupad ng IATF
  • Nais ding ipasara ng DOT ang sangkot na establisimiyento dahil sa insidente

Tinawag na ‘iresponsable’ ng Department of Tourism (DOT) ang ginanap na Halloween party sa Boracay kamakailan kung saan makikitang walang suot na face mask ang mga dumalo rito.

Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, isa itong malinaw na paglabag sa health protocol na ipinatutupad ng IATF dahil bukod sa walang suot na face mask ang mga dumalo ay hindi rin nasunod ang physical distancing.

Sec. Puyat| Imahe mula sa PNA

Kumalat kamakailan sa social media ang video ng naturang party kung saan makikita ang ilan katao, kabilang na mga banyaga, na sumasayaw sa tugtog at nagkakasayahan.

Ginanap umano ito sa Casa de Arte, isang pribadong  establisimiyento, sa Sitio Cagban, Barangay Manoc-Manoc sa Boracay noong Oktubre 31.

“Meron kasing organizers na dinala dun sa private house, dun sila nagparty-party sa Halloween kaya di agad nakita. Sa area na malayo sa beach so di siya madali makita,” wika ni Sec. Puyat sa isang panayam.

Subalit bagama’t ginanap daw ito sa isang establisimiyento na hindi nangangailangan ng accreditation ng DOT, kailangan pa ring sumunod sa ipinatutupad ng health protocol ang lokal na pamahalaan, mga stakeholders at mga bisita dahil sa umiiral na pandemya.

Mga screenshot ng party mula sa Twitter video/Rosette Adel

“We are appealing to our LGUs to please cooperate with us in the safe and responsible reopening of our tourist destinations. The jobs and livelihoods that were recently restored in these sites will be affected once again if an outbreak occurs in the area due to the LGU’s negligence,” anang kalihim.

Suportado rin ni Puyat ang rekomendasyon ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group kay Malay, Aklan Mayor Frolibar Bautista na ipasara ang nasabing establismiyento.

Nauna nang sinabi ni Bautista na pinatawan na ng parusa ang mga organizers ng party na nagkakahalaga ng P5,000 dahil sa insidente. Bukod dito, kakasuhan din umano ang mga banyagang nagsuot ng uniporme ng pulis sa party dahil sa paglabag sa Article 179 of the Revised Penal Code.

Loading…