Duterte pinasaringan ang Red Cross tungkol sa utang ng PhilHealth: “Mukhang pera”

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM
  • Tinawag ni Pangulong Duterte ang Red Cross na ‘mukhang pera’
  • Ito ay sa gitna ng usapin na utang ng PhilHealth sa Red Cross na umabot na sa mahigit P1-B
  • Sa kasalukuyan, halos kalahati pa lang ng nasabing halaga ang nababayaran subalit ipinagpatuloy na ng Red Cross ang ginagawang testing

Tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘mukhang pera’ ang Philippine Red Cross (PRC) sa gitna ng usaping paniningil ng huli sa PhilHealth dahil sa ginagawa nitong COVID testing.

Ginawa ng Pangulo ang nasabing pasaring sa ginanap na live briefing ng Malakanyang nitong Huwebes ng gabi kung saan nagbigay ng ulat ang mga kalihim tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa sa gitna ng pandemya.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

Dito ay ibinahagi ni Health Secretary Francisco Duque III sa Pangulo na sinimulan na muli ng Red Cross ang testing matapos itong bayaran ng PhilHealth ng kalahating bilyon o P500-M bilang partial payment sa utang na mahigit P1-B.

Dahil umano sa pansamantalang pagsuspinde ng Red Cross sa swab testing, bumaba ang naiulat na kaso ng COVID na nakaapekto sa reporting ng DOH, ayon kay Duque.

“Nabayaran na po ang PRC at nagbukas na po silang muli kaya patuloy na po ang kanilang pagsusuri ng mga swab specimen,” ani Duque.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

Sa bahaging ito ay maririnig ang Pangulo na nagsalita. “Mukhang pera,” aniya.

Mababatid na pansamantalang itinigil ng Red Cross ang swab testing matapos mabigong makasingil sa utang ng PhilHealth sa loob ng ilang buwan na umabot na sa mahigit P1-B. Nitong huling linggo lamang ng Oktubre na-release ang P500-M na tseke subalit nagpaalala si Senador Richard Gordon, na siya ring chairperson ng PRC, na muli nilang ititigil ang testing kapag hindi muling nakasingil sa loob ng tatlong araw.

Nitong Huwebes lang ay muling nagbayad ang state insurer ng karagdagang P100-M sa PRC.

Imahe mula sa PRC

Samantala, ibinahagi rin ni Duque sa Pangulo na patuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID sa bansa dahil na rin sa pagsunod ng mga tao sa health protocols.

“Number one ‘yung atin pong nagiging effective ‘yung atin pong communication sa mga tao, ‘yung ating compliance with the minimum health standards; wearing of mask, face shield, proper handwashing,” ayon kay Duque.

Ganunpaman, hindi raw dapat maging kampante ang publiko kaya kailangang sumunod pa rin sa pinaiiral ng guidelines ng IATF.

Loading…