
- Tiniyak ng Pangulo na makababangon din ang mga Pilipino mula sa sunod-sunod na pinsala ng ba
gyong nagdaan - Muli ring pinuri ng presidente ang diumano’y ‘resiliency’ ng mga Pinoy sa mga ganitong
kalamidad - Bumuo na rin ng task force ang Palasyo para sa mas mabilis na paghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng ba
gyo at baha
Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mamamayang Pilipino na makababangon din ang bansa mula sa sunod-sunod na dagok ng hagupit ng kalikasan sa gitna ng umiiral na COVID-19 pandemic.
Sa kaniyang maikling televised briefing nitong Sabado ng hapon, Nobyembre 14, muling pinuri ng presidente ang diumano’y ‘resiliency’ ng mga Pinoy sa panahon ng kalamidad at krisis.

“Alam ko na naghihirap kayo, alam ko na kailangan ninyo ng tulong at alam ko na inaasahan ninyo na ‘yung tulong aabot sa madaling panahon sa lugar ninyo,” wika ng Pangulo.
Ginawa ng Pangulo ang naturang pahayag sa gitna ng malawakang pagbaha sa Northern Luzon partikular na sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela at Aurora na dinaanan ni ‘Ulysses’.
“Kaya natin ito, ilang pahirap na ng panahon,” pagtitiyak ng Pangulo. “Babangon din tayo, mahirap pero alam mo naman ang Pilipino, alam niyang tumindig uli.”

Inanunsiyo rin ni Pangulong Duterte na ipinadala na niya ang Philippine Coast Guard at ang militar sa mga nabanggit na lalawigan upang pangunahan ang rescue operations ng mga taong na-trap sa kanilang mga bahay dahil sa biglaang pagtaas ng tubig matapos mag-overflow ang Cagayan River.
Dalawang helicopter na umano ng Philippine Army ang kaniyang ipinadala sa lugar at dadagdagan pa ito kung kinakailangan.
Inatasan na rin ng Palasyo ang pagbuo ng isang bagong inter-agency task force na siyang mangunguna sa pagbalangkas ng hakbang na gagawin para sa rehabilitation at response ng gobyerno sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo.

“I directed them to streamline para madali ‘yong rehabilitation efforts affected by the typhoon. Pangalawa, itong task force ng different agencies. Lahat itong halos ng mga ahensya ng gobyerno kasali dito,” bahagi ng Pangulo.
Binigyan niya umano ng timeline ang task-force upang makagawa agad ng mabilis na hakbang at putulin na ang red tape para mabilis ang dating ng tulong sa mga tao.