Evacuation centers para sa mga alagang hayop, iginiit ni VP Robredo

Imahe mula sa PETA
  • Muling iginiit ni VP Leni Robredo ang pagkakaroon ng evacuation centers para sa mga alagang hayop
  • Katwiran niya, kahit ipinatutupad ang forced evacuation ay may mga residenteng nagpapaiwan dahil sa mga alagang hayop
  • Unang ipinanukala ni VP Robredo ang evacuation sites para sa mga alagang hayop noong nag-alburuto ang Bulkang Taal noong Enero

Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na ikonsidera ang pagkakaroon ng evacuation centers para sa mga alagang hayop nang sa gayon ay walang mga mamamayan ang magpapaiwan sa mga paglikas para lang tiyakin ang kaligtasan ng mga alaga sa tuwing may kalamidad.

Imahe mula sa OVP

Sa kanyang lingguhang programa sa radio na “Biserbisyong Leni” sa DZXL, nanawagan ang Bise Presidente sa publiko na agad tumalima kapag sinabihan na kailangang lumikas upang maiwasan ang pagkapahamak sa mga kalamidad tulad ng super typhoon Rolly na kasalukuyang nananalasa sa malaking bahagi ng bansa.

“Kapag may ganitong sakuna, at nagfo-forced evacuation, may mga lumulusot pa din. May mga lumulusot pa din na ang pinapa-evacuate lang mga babae, mga seniors, mga bata,” wika ni VP Robredo.

“Iyong mga head of the family, nagpapaiwan pa rin sa bahay kasi ang iniisip ang gamit, iyong mga hayop, etc. Kaya kahapon ni-remind ko na naman sila na dapat may evacuation center na ang mga hayop para wala nang dahilan para magpaiwan kasi minsan kahit forced evacuation talagang may mga tumatago,” dagdag pa niya.

Unang ipinanukala ni VP Robredo ang evacuation sites para sa mga alagang hayop noong pumutok ang Bulkang Taal noong Enero. Marami kasing mga apektadong residente ang nagsibalikan noon sa kanilang mga tahanan kahit delikado para balikan ang mga alaga.

Imahe mula sa PETA

Kaugnay pa rin ng evacuation centers, sinabi rin ng Pangalawang Pangulo ang pangangailangan sa pagpapatayo ng mga multi-storey school buildings. Paliwanag niya, dahil ang mga paaralan ay ginagamit na evacuation sites tuwing may mga kalamidad, mas mainam na mataas na gusali ang ipatayo.

Ito ay upang mas ligtas sa baha at mas maraming espasyo para sa mga evacuees.

Loading…