Full seating capacity puwede na sa private shuttle service basta may divider sa pagitan ng mga pasahero

Imahe mula sa OneNews
  • Pinayagan ng IATF ang one-seat-apart arrangement o kaya ay full seating capacity basta may divider sa pagitan ng mga pasahero ang shuttle service ng mga private companies
  • Sa kabila ng pagluluwag na ito, mahigpit pa ring ipatutupad ang pagsusuot ng face mask at face shield
  • Ang rekomendasyon na luwagan ang social distancing requirements sa mga transportasyon ay mula sa economic team ng Pangulo

Pinayagan na ng COVID-19 task force ng pamahalaan na makapagsakay ng mas maraming pasahero ang mga shuttle service ng mga pribadong kumpanya upang lalong mapasigla ang ekonomiya ng bansa na mahigit walong buwan nang nagpapatupad ng quarantine protocols dahil sa pandemya.

Imahe mula sa TopGearPH

Inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Biyernes, November 27, na pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang one-seat apart arrangement o kaya ay full seating capacity basta may divider sa pagitan ng mga pasahero ang mga pribadong shuttle services.

Sinabi pa ng tagapagsalita ng Pangulo na inatasan ng IATF ang Department of Labor and Employment na maglabas ng angkop na advisory hinggil sa bagay na ito.

“Private establishments are enjoined to commission their own shuttle services for the benefit of their own employees,” saad ng resolusyon ng IATF na inaprubahan noong Huwebes, November 26.

Matatandaang noong nakaraang buwan ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang one-seat apart rule sa mga pampublikong sasakyan upang mas maraming pasahero ang maserbisyuhan.

Ang pagluluwag sa social distancing requirement sa mga sasakyan ay akma sa hakbang ng pamahalaan na palawigin ang business capacity sa hanggang 100 percent mula sa 75 percent dahil nangangahulugan ito na mas maraming manggagawa ang mangangailangan ng masasakyan patungo sa lugar ng kanilang trabaho.

Imahe mula sa Radyo Natin

Ang rekomendasyon na luwagan ang social distancing requirements sa mga transportasyon ay mula sa economic team ng Pangulo, na ang mga miyembro ay nagsabing ang limitadong public transportation ay nakapipigil sa recovery ng ekonomiya.

Sa kabila ng pagluluwag sa social distancing sa mga transportasyon, ang mga health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at madalas na disinfection ng mga sasakyan ay mahigpit pa ring ipatutupad.

Source :

Tribune, MSN

Loading…