Gen. Danao itatalaga bilang bagong NCRPO chief kapalit ni Sinas, ayon kay Año

Brig. Gen. Vicente Danao| Imahe mula sa PNA
  • Itatalaga bilang bagong hepe ng NCRPO si Brig. Gen. Vicente Danao
  • Siya ang magiging kapalit ni Maj. Gen. Debold Sinas na uupo bilang bagong PNP chief kapalit ni Cascolan
  • Kilalang malapit sa Pangulo si Danao at naging hepe ng pulis noon ni Duterte sa Davao City

Itatalagang kapalit ni Maj. Gen. Debold Sinas si Brig. Gen. Vicente Danao, Jr. bilang bagong hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO); ito ang kinumpirma ni Interior Sec. Eduardo Año ngayong Martes.

Si Danao ay kasalukuyang hepe ng Calabarzon police habang si Sinas naman ang siyang hahalili bilang bagong PNP chief kapalit ng magreretirong sie General Camilo Cascolan.

“He was recommended to replace General Sinas. Matutuloy na ‘yan,” ayon kay Año.

Gen. Danao| Imahe mula sa PIA

Si Sinas ay pormal na umupo bilang hepe ng PNP nitong Martes ng hapon, Nobyembre 10, matapos hirangin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pinakamataas na posisyon ng kapulisan.

Dati nang nabanggit ni Cascolan noong Setyembre na pinag-iisipan niyang italaga si Danao sa NCRPO habang inamin din ng PNP chief na posibleng ma-promote sa mas mataas na posisyon si Sinas sa kabila ng kontrobersiyang kinakaharap ng huli.

Ayon kay Cascolan, kung hindi man sa NCRPO ay maaari ring ilipat umano si Danao sa CIDG.

“He is doing good. He did his best and he has done good in PRO 4A. Not even that, he even has a reputation in the service and he is a very competent person too,” wika ni Cascolan sa mga naunang panayam.

Imahe mula sa PCOO

Si Danao ay naging hepe rin ng Davao City police sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang alkalde noon. Nailipat rin siya bilang director ng Manila Police District noong nakaraang taon at minsang nahirang bilang operations chief ng CIDG.

Kilalang malapit sa Pangulo, si Danao ay isa sa tinaguriang ‘Davao Boys’ at miyembro ng “Sambisig” Class of 1991 ng Philippine Military Academy (PMA).

Loading…