Gloc-9: “Piliin nating maging mas mabuti sa ibang tao kahit hindi natin kilala”

  • “Piliin nating maging mas mabuti sa ibang tao kahit hindi natin kilala”
  • Iyan ang mensahe ni Gloc-9
  • Hindi raw natin alam ang pinagdaraanan ng bawat isa

Isa sa mga hinahangaan at kilalang Pinoy rapper si Gloc-9 na talaga namang kinikilala hindi lamang sa kaniyang mabilis na pagsasalita, kundi dahil sa may kabuluhang rap songs na kaniyang inaawit. Bukod doon, mas hinahangaan pa siya dahil sa kaniyang kababaang-loob at magagandang pananaw sa buhay na kaniyang ibinabahagi sa social media.

Kaya naman, kinalugdan ng mga netizens ang kaniyang Facebook post kung saan nagpaalala siya sa publiko na maging mabuting tao ang lahat sa kanilang kapwa, kahit sa mga estranghero o hindi kakilala.

Imahe mula sa Facebook post ni Gloc-9

“Piliin nating maging mas mabuti sa ibang tao kahit hindi natin kilala. Maging mabuti lang tayo. Kasi hindi natin alam ang pinagdadaanan at dala-dala ng bawat isa,” ayon sa caption.

Sang-ayon naman dito ang mga netizens.

“Louder! Kaya sana itigil na yung panghuhusga, ang pinakakailangan talaga natin sa lahat ng pagkakataon ay pagkakaisa, makakamit lang natin ‘yon kapag marunong tayong magpahalaga at magpakumbaba, saludo sa inyong lahat naway sabay-sabay natin ibangon ang bansa,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Tama ‘yan idol ganyan din ako mag-isip eh kaya ‘di ko pinagdadamot ngiti ko kahit ‘di ko kilala kasi kahit simpleng ngiti kapag napangiti mo rin siya… hindi mo alam kung gaano mo napapagaan ang loob ng iba ng oras na iyon, kaya smile always at gumawa ng kabutihan sa mga taong di mo kilala.”

“Kaya nga idol na idol kita Sir Gloc-9. Isa ka sa mga taong may malawak na pang-unawa. Tuloy lang po sa pagbibigay ng payo at aral. Hindi po kmi magsasawa lalo’t sa musika ninyo ipinadadala ang bawat mensahe,” wika naman ng isa.

Public Domain Image

Ipinahayag din ni Gloc-9 ang kaniyang kalungkutan at pakikiramay sa kapwa-singer/artist na si Jamir Garcia ng Slapschock matapos sumalangit ang kaluluwa ng Slapshock singer na si Jamir Garcia noong Huwebes, Nobyembre 26, 2020.

Si Gloc-9 o Aristotle Pollisco sa tunay nitong pangalan, ay kinikilala bilang isa sa mga “best Filipino rappers of all-time” at nakilala sa mga rap songs  na “Lando,” “Upuan,” at marami pang iba, sa pamamagitan ng music collaboration sa iba pang singer/artists.

Loading…