Harry Roque, aminadong hindi nasunod ang social distancing sa event na dinaluhan sa Cebu

Imahe mula sa DYLA Cebu Facebook page
  • Harry Roque, nabatikos matapos kumalat ang larawan niya sa Cebu kung saan ang mga tao ay hindi nag-social distancing
  • Aminado si Roque na ‘di nasunod ang social distancing, pero iginiit niya na pinaalalahanan niya ang mga tao na magsuot ng face mask
  • Bilang bisita, wala umano siyang kontrol sa mga taong dumalo sa event

Pinuna ng mga netizens ang pagkukumpulan ng mga tao na dumalo sa isang event sa Bantayan Island sa Cebu kung saan panauhin si Presidential Spokesperson Harry Roque, Cebu Governor Gwendolyn Garcia  at iba pang lokal na opisyal.

Imahe mula sa DYLA Cebu Facebook page

Makikita sa ilang larawan na kumalat sa social media na siksikan ang mga tao habang nakikinig sa talumpati ng tagapagsalita ng Pangulo. Ang insidente ay naganap sa Kota Park sa bayan ng Madridejos sa Bantayan Island noong Biyernes, November 27.

Ilang social media users ang bumatikos kay Roque dahil sa pagbalewala ng social distancing rule ng mga taong nakikinig sa kanya habang ipino-promote ang turismo sa Cebu kasabay ng pagbubukas ng Bantayan Island Airport.

Batay sa paalalang sinabi niya sa mga tao ay napansin din naman ni Roque na ‘di nasunod ang social distancing.

“Anong isusuot? Masks. Anong dapat gawin? Hugas. At pangatlo, ang hindi natin nasusunod ngayon…iwas,” aniya na ang tinutukoy ay ang minimum health standards na pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay at physical o social distancing.

“Pero huwag n’yo lang tatanggalin ang mga masks n’yo. OK na yan dahil open air naman tayo,” ang sabi pa ni Roque sa mga tao.

Imahe mula sa DYLA Cebu Facebook page

Matapos mag-viral ang mga larawan, naglabas ng statement si Roque at sinabing hindi siya lumabag sa anumang health protocols at bilang panauhain sa event, hindi umano siya ang may kontrol sa mga taong nagsitungo roon.

“The activity where I was seen speaking before a crowd was organized by the local government, which I had no control as a guest. As a precautionary measure, I observed physical distancing and reminded those who were present to observe the minimum health standards. Also, I did not shake hands and I wore a face mask,” pahayag niya.

Paliwanag pa niya, kahit open air ang pinagdausan ng event dahil isang beach iyon, pinaalalahanan niya ang mga tao na masuot ng face masks.

Ipinaliwanag din umano sa kanya ng mga local officials na hindi nila inaaasahan na dadagsa ang mga tao sa event.

Imahe mula sa DYLA Cebu Facebook page

Loading…