Hypokalemia: Mag-ingat sa mababang Potassium

Imahe mula kay Doc Liza Ramoso-Ong
  • Nagbigay ng kaalaman ni Doc Liza Ong tungkol sa panganib ng mababang potassium
  • Napakadelikadong sakit daw ang hypokalemia
  • Dapat daw nating tandaan na “Two bananas a day can keep the doctor away”

Ang potassium ay isang napakahalagang mineral ng ating katawan na nagpapagana sa ating mga nerve at muscle cells, lalo na para sa pagtibok ng ating puso.

Imahe mula sa FKC

Ayon kay Doc Liza Ramoso-Ong, masama ito kapag labis at masama rin kapag kulang.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Doc Liza na marami na siyang nakitang mga pasyente na napahamak dahil sa mababang lebel ng potassium sa katawan. Ito ang tinatawag na hypokalemia.

Inisa-isa ni Doc Liza ang karaniwang sanhi ng mababang potassium.

“Ang pangkaraniwang pinanggagalingan ng mababang potassium ay ang labis na pagpapawis, pagtatae at pagsusuka. Dahil dito, lumalabas ang potassium sa katawan sa pamamagitan ng ating pawis at dumi. Minsan naman ay may diprensiya ang bato (o kidneys) kaya lumalabas din ang potassium sa ihi,” wika niya.

Posible ring bumaba ang potassium kapag mahilig uminom ng pampaihi, pampadumi at pampapayat. Pwede rin daw bumaba ang potassium dahil sa colon cleansing o pagpapalinis ng bituka. Maaari ring magsanhi nito ang labis na pag-eehersisyo at pagpapawis.

Babala ni Doc Liza, nakapakadelikado ng hypokalemia.

Imahe mula sa Healthylicious

Ilan sa mga sintomas nito ay ang panghihina ng mga paa, pamumulikat at abnormal na tibok ng puso.

“Nag-uumpisa ang panghihina sa may paa at umaakyat ito ng dahan-dahan hanggang sa ma-paralisa na ang buong katawan. Napakadelikado nitong sakit at puwedeng ikamatay agad,” aniya.

Kapag malala na ang hypokalemia ay dapat nang dalhin sa pagamutan ang pasyente upang mabigyan ng potassium sa dugo.

“Ngunit kung nag-uumpisa pa lamang ang panghihina ay puwede muna kumain ng mga pagkaing mataas sa potassium tulad ng saging, patatas, kamatis, orange at broccoli,” payo ni Doc.

Dapat daw na ugaliing kainin ang mga nabanggit na pagkain para maiwasan ng pagbaba ng potassium.

Tandaan daw natin na “Two bananas a day can keep the doctor away.”

Imahe mula sa Healthcare Asia

 

 

Loading…