Ibabalik ni Yorme ang GMRC sa mga paaralan sa Maynila, STEM program sa SHS palalakasin

Imahe mula sa Manila PIO
  • Nangako si Yorme na ibabalik sa mga paaralan sa Maynila ang GMRC
  • Importante raw na maibalik ang respeto at malasakit ng tao sa kapwa
  • Mamumuhunan ang Manila City Government sa mas maraming Science at Math laboratories upang mapalakas ang STEM program sa SHS

Nangako si Manila Mayor Isko Moreno na mamumuhunan nang malaki ang Manila City Government upang maibalik sa lahat ng paaralan sa lungsod ang Good Manners and Right Conduct (GMRC) program at mapalakas ang Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) program sa Senior High School (SHS).

Sa pakikipagpulong niya sa mga opisyal ng Department of Education at Manila Division of City Schools, sinabi ni Mayor Isko na ang layunin niya sa pagnanais na maibalik ang GMRC sa mga paaralan ay upang manumbalik ang respeto at pagmamalasakit sa kapwa.

“Kapag nabalik ‘yung respect to point of views, importante iyon. While we argue, while we disagree, but there is certain level of respect among each other, sa tingin ko tatamaan lahat ‘yun, na kapag alam niyang may mali, alam niyang hindi niya dapat gawin iyon,” punto ni Yorme.

“Ang malasakit kasi, it’s a big word. Maraming nang nakapaloob doon – respeto, pagpapahalaga, disiplina. When you care, you’ll understand naturally ultimo yung maliliit na bagay,” sabi pa niya.

At upang mapalakas naman ang STEM prgoram sa SHS, mamumuhunan ang lokal na pamahalaan ng Maynila para sa konstruksyon ng mas maraming Science at Math laboratories.

Imahe mula sa Manila PIO

Malaki umano ang maitutulong nito upang ma-develop ang mga susunod na henerasyon ng mga batang Maynila at mahubog sila upang maging mas mahusay na indibidwal na makapagbibigay ng ambag sa komunidad.

“Ang paghulma sa bata as indibidwal sa kanyang pamayanan ay nakasalalay talaga sa paaralan kasi mas malaking portion ng oras sa loob ng isang araw, nandoon siya sa educational institution, nasa care ng mga teacher,” ani Yorme.

Imahe mula sa Manila PIO

Kaugnay ng plano ng alkalde, napag-uusapan na rin sa national government ang implementing rules and regulation ng Republic Act No. 11476 o ang GMRC and Values Education Act.

Sa ilalim ng batas, ang GMRC program ay ituturo bilang hiwalay na subject para sa mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 12.

Loading…