Inmate na may sintomas ng COVID nakapuslit matapos ubuhan sa mukha ang bantay na pulis

Imahe mula sa Iconfinder
  • Nakapuslit ang isang inmate sa bayan ng Agoo matapos nitong ubuhan sa mukha ang kanyang escort na alagad ng batas
  • Napag-alaman na may sintomas ng COVID ang bilanggo at inihahatid ito sa pagamutan para sa medical check-up
  • Kasalukuyan nang tinutugis ang lalaki habang nahaharap naman sa kaso ang pulis

Isang inmate sa La Union ang nakuhang makatakas matapos ubuhan at bahingan sa mukha ang kaniyang escort na pulis habang inihahatid siya sa isang pagamutan Biyernes ng madaling araw.

Ayon sa ulat ng Philstar, ihahatid sa La Union Medical Center ang presong si Teofilo Doctolero Lopez, mula sa San Isidro bayan ng Agoo upang magpa-check up matapos magpakita ng sintomas ng COVID-19.

Imahe mula sa Post Courier

Subalit habang sakay ng  mobile kasama si Pat. Ronald Macalino, bigla umanong tinanggal ni Lopez ang kaniyang face mask at saka sunod-sunod na inubuhan at binahingan sa mukha ang pulis.

Dahil dito, napilitang ihinto ni Macalino ang sasakyan para mag-disinfect.

Habang naghihilamos at naghuhugas ng kamay ang pulis, sinamantala ni Lopez ang pagkakataon at kaagad itong tumalon mula sa sasakyan at tumalilis papalayo.

Sinubukan naman siyang habulin ni Macalino subalit hindi na ito naabutan.

File photo

Si Lopez ay napiit umano dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na gawain, partikular na sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Nasakote siya ng mga awtoridad at napiit noong Oktubre 28 lamang.

Samantala, tinutugis na ngayon ang nakapuslit na inmate matapos maglunsad ng manhunt operation ang maykapangyarihan.

Kaugnay nito, sasampahan naman umano ng kasong administratibo si Macalino dahil sa kaniyang kapabayaan.

Loading…