Job order at contractual workers ng Maynila makatatanggap ng P5K cash aid

Imahe mula sa Facebook - Mayor Isko
  • Makatatanggap ng P5,000 cash aid ang mga job order at contractual na empleyado ng Lungsod ng Maynila
  • Nilagdaan na ni Mayor Isko ang ordinansa na naglalaan ng kabuuang P49.8-M na pondo para sa pamamahagi ng nasabing ayuda
  • Ito ay bilang tugon na rin ng lungsod matapos palawigin pa ng Palasyo ang ‘state of calamity’ sa buong bansa hanggang sa susunod na taon

Naglaan ng P49.8-M ang Lungsod ng Maynila bilang cash aid sa mga contractual at job order workers ngayong panahon ng pandemya.

Kamakailan lamang ay nilagdaan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang Ordinance No. 8701 para sa pamamahagi ng nabanggit na halaga sa mga 8,000 na empleyado ng city hall.

Imahe mula sa Facebook ni Mayor Isko

Ito ay bilang tugon na rin umano ng lungsod matapos palawigin pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘state of calamity’ ng bansa hanggang sa susunod na taon alinsunod sa  Proclamation No. 1021 ng Malakanyang.

“Presidential proclamations enjoined all government agencies and local government units to render full assistance to and cooperation with each other and mobilize the necessary resources to undertake critical, urgent, and appropriate disaster response aid and measures in a timely manner to curtail and eliminate the threat of COVID-19,” ani Mayor Isko sa isang pahayag.

Ang naturang ordinansa ay naipasa na ng city council sa pangunguna ni Vice Mayor Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan.

Imahe mula sa Facebook – Mayor Isko

Ayon sa ordinansa, ang ayudang ito ay naglalayong makatulong kahit paano upang gumaan ang mga pinansiyal na pasanin ng mga empleyado na dulot na rin ng pagbagasak ng ekonomiya dahil sa krisis sa COVID-19.

Samantala, kukunin naman ang pondo ng cash aid mula sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng iba’t-ibang departamento ng pamahalaang lungsod sa ilalim ng 2020 budget ng Manila.

Inaasahang maagang pamasko naman ito para sa mga makatatanggap lalo pa’t hirap pa ring makabangon ang karamihan mula sa pagkakalugmok ng kanilang kabuhayan dahil na rin sa coronavirus pandemic at mga dumaang bagyo kamakailan.

Loading…