Kalakhang Maynila ginawang disenyo sa “Havaianas”

  • Tampok ang Maynila sa disenyo ng Havaianas
  • Nakatatak pa rito ang “Havaianas Loves Manila”
  • Umani ito ng iba’t ibang reaksyon sa mga netizens

Isa sa mga sikat na brand ng flip-flop sandals at footwears ang “Havaianas” na pagmamay-ari ng isang Brazilian manufacturing company. Marami sa mga Pilipino ang tumatangkilik nito.

Kaya naman, pinag-usapan ng mga netizens ang pinakabagong labas na flip-flops ng Havaianas na ang disenyo ay nagtatampok sa Kalakhang Maynila, lalo na ang sikat na Manila City Hall. Makikita ito sa mismong opisyal na Facebook page nito. Nakalagay pa rito ang “Havaianas Loves Manila.”

Imahe mula sa Facebook page ng Havaianas / Public Domain Image

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens. Positibo ang naging pagtanaw rito ng ilan dahil promosyon daw ito ng Maynila.

“Bukod sa mga gawang sapatos ng Marikina, isa sa mga favorite foreign brand ko ang Havaianas kasi talagang matibay ang pagkakayari. It’s good to see na may gawa silang tsinelas na inspired sa Manila City. Good job, Havaianas!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Sana naman mag-purchase nito si Yorme Isko at ipamahagi niya sa mga Manilenyong gaya ko. Baka naman po.”

“Ang ganda po! I love it. Napakaganda ng Maynila sa gabi at lalo na aerial shot. Sana po huwag nating lagyan ng malisya ito,” pakiusap naman ng isa.

Sa kabilang banda, may ilan ding hindi naging maganda ang pagtanggap dito.

“Sana naman po hindi sa tsinelas nilagay yung larawan ng Maynila kasi po parang tinatapakan lang ang Maynila kung ganiyan, correct me po if I’m wrong at humihingi na po ako agad ng pasensya kung mali po ang comment ko,” saad ng isa.

Imahe mula sa Facebook page ng Havaianas / Public Domain Image

Pahayag naman ng isa, “Dati bandila ng Pilipinas yung ginawang disenyo sa slippers nila, ipinagbawal dahil daw tinatapakan yung bandila, ngayon ‘yung Maynila naman.”

Ang pangalang Havaianas ay nagmula sa feminine form ng salitang Portuguese na “Hawaiians.” Samantala, wala namang naging pahayag ang Havaianas hinggil dito. Malinaw naman daw ang intensyon nila: ang ipakita ang pagmamahal nila sa Maynila, at sa Pilipinas sa kabuuan.

Loading…