Kauna-unahang “long distance mountain tunnel” sa bansa gagawin sa Davao City

Imahe mula sa DPWH
  • Itatayo sa Davao City ang kauna-unahang long distance mountain tunnel sa bansa
  • Ang tunnel road na may habang 2.3 kilometers ay bahagi ng Davao City bypass Road Project
  • Ang proyekto ay gagamitan ng advanced tunneling technologies mula sa Japan

Nakatakdang gawin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kauna-unahang long distance mountain tunnel sa bansa. May haba itong 2.3 kilometers. Bahagi ito ng 10.7-kilometer segment ng Davao City Bypass Road Project.

Imahe mula sa JICA

Batay sa impormasyong inilabas ng Japan International Cooperation Agency (JICA), ang kontrata sa pagitan ng DPWH at ng joint venture ng Shimizu Corporation, Ulticon Builders, Inc., and Takenaka Civil Engineering & Construction Co. Ltd., ay napirmahan na noong October 29.

Sa pamamagitan ng proyekto ay magkokonekta ang Barangay Sirawan sa Davao City at Barangay J. P. Laurel sa Panabo City at mababawasan din ang travel time mula sa dating isang oras at 44 minuto ay magiging 49 minutes na lang.

Ayon sa JICA, gagamitan ng advanced tunneling technologies mula sa Japan ang konstruksyon ng mountain tunnel na makakaroon ng four lanes.

Ang road tunnel ay dadaan sa bulubundiking bahagi ng Barangay Magtuod sa Davao City.

Sa report ng DPWH, malaki ang gagampanang papel ng Bypass road upang mapagkaisa ang west at east side communities na nakararanas ng maraming economic activities pero pinaghihiwalay ng isang bundok.

Imahe mula sa Mindanao Economic Boom

Kabilang sa mga layunin ng proyekto ang pagpapabilis ng inter-regional na pagbibiyahe ng mga produkto at serbisyo, mabawasan ang transport cost ng mga produkto patungo sa mga customers, maibsan ang mabigat na trapiko sa urban areas, at makapagbigay ng mas magandang access sa pagparoo’t parito sa mga major ports sa Davao Gulf.

Dahil sa proyekto ay magkakaroon ng mas maraming negosyo at trabaho sa rehiyon. Makatutulong ito para palakasin ang economic recovery ng bansa.

Loading…