Klase sa lahat ng antas isang buwang suspendido sa Marikina dahil sa pinsala ng bagyong Ulysses

Imahe mula sa Marikina City PIO

• Klase sa lahat ng antas sa public at private schools sa Marikina City isang buwang suspendido
• Ang suspensyon ng distance learning ay tatagal hanggang December 16, 2020
• Sakaling hindi pa handa ang mga estudyante at mga nasirang learning modules, posibleng palawigin pa ang suspensyon

Suspendido ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Marikina City, na ngayon ay nasa ilalim ng state of calamity dahil sa laki ng pinsala na idinulot ng bagyong Ulysses.

Imahe mula sa Marikina City PIO

Ginawa ni Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ang announcement noong Lunes, November 16. Aniya, ang isang buwang suspensyon ng mga klase – mula Nobyembre 16 hanggang Disyembre 16 – ay kailangan upang muling makagawa at makapagpamahagi ang mga school officials ng mga learning modules na nabasa at nasira dahil sa baha.

Ayon sa alkalde, marami pang lugar sa siyudad ang nababalutan ng putik, walang kuryente, walang tubig at ang internet connection ay hindi stable kaya minabuti ng lokal na pamahalaan ang mahabang suspensyon ng mga klase.

“Dahil sa laki ng pinsala na dulot ng bagyong Ulysses, maraming lugar pa ang may makapal na putik, walang kuryente at tubig, unstable ang internet connectivity at ang mga modules at gadgets na ginagamit sa pag-aaral ay nabasa at nasira dahil sa baha. Kaya minabuti na isuspinde ang online at modular classes sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod ng Marikina buhat Nobyembre 16 hanggang Disyembre 16,” post ni Mayor Marcy Teodoro sa Facebook.

Sinabi pa ng mayor na posibleng sa Enero na ng susunod na taon muling ibabalik ang klase sa siyudad.

Marikina Mayor Marcy Teodoro

“Paano makakapag-klase iyong mga bata, maski may module at gadget siya, kung nakalubog sa putik ang kanyang paa habang nag-aaral?” aniya.

Ang suspensyon ay maaari pa raw mapalawig kung sakaling ang mga estudyante at ang mga learning modules ay hindi pa handa pagkaraan ng isang buwan.

Source :

Facebook, PNA

Loading…