Korean street vendor sa Las Piñas ibinahagi ang kaniyang kuwento ng pagbangon

  • Unti-unting bumabangon ang sumikat na Korean street vendor
  • May patubig siya sa mga motorista
  • Isinalaysay niya ang kaniyang naging karanasan

Nabagbag ang damdamin ng mga netizens sa kuwento ng isang matandang lalaking Koreanong street vendor na nagtitinda ng Korean noodles na buy 2 take 1 sa Las Piñas, na may libreng patubig pa sa mga motorista ng motorsiklo at kotse na mauuhaw sa pagbiyahe.

Nagtitinda ito ng mga Korean noodles sa pamamagitan ng e-bike, subalit nang mga sandaling iyon, na-low batt na ito kaya minabuti na lamang nitong ipapakyaw ang mga paninda sa kalsada.

Kuwento ng Koreano, dati raw siyang mayaman subalit naubos ang kaniyang pera nang dumating siya sa Pilipinas. Marami umanong mga Pilipino ang “nang-abuso” sa kaniya. Nakaramdam ng awa ang netizen at sinabing hindi lahat ng mga Pilipino ay manggagamit; mas marami pa rin ang may mabubuting kalooban.

Sino nga ba ang Koreanong ito?

Ayon sa panayam ng “NXT Special” ng ABS-CBN News, siya ay si Mr. Chang Sam-Hyun, 76 taong gulang, na nagmula pa sa Seoul, South Korea. Isinalaysay niya kung paano siya nakarating sa Pilipinas.

“I came to the Philippines for the first time with a friend, 20 years ago,” kuwento niya.

Isa pala siyang negosyante sa kaniyang Bayang Sinilangan. Siya ay nagpapagawa at nagbebenta ng mga apartment at condominium.

“I was a construction owner back in Korea. You know construction? In one year, we built 350 units. We built and sold 350 units of Korean apartment,” aniya.

Pabalik-balik daw sa Pilipinas si Mr. Chang upang magsugal sa casino.

Image capture mula sa YouTube Channel

“Every month, I go back and forth to the Philippines, Macau, and Korea. 20 years ago, I had plenty of money in Korea,” dagdag pa niya.

Nalugi sa pagsusugal si Mr. Chang. Naubos ang mga pera niya gayundi ang mga naipundar. Halos 300 milyon ang kaniyang nasayang dahil sa gawaing ito. Habang nasa Pilipinas, naabutan ng lockdown si Mr. Chang habang ang pamilya naman niya ay nasa Korea. Dahil sa mga nangyari, pinagtangkaan umano niya ang sariling buhay upang matapos na ang kaniyang pagdurusa.

Bukod dito, tinangka na rin umano niyang tumalon sa tubig, subalit may nagligtas umano sa kaniya. Kinain umano siya ng pangungulila sa kaniyang pamilya. Wala siyang kaibigan. At wala siyang kapera-pera.

Hanggang sa isang araw, isang kalahing negosyante ang tumulong sa kaniya. Siya ang nagbigay ng Korean products kay Mr. Chang para itinda. Tinulungan din siya nito upang makahanap ng matutuluyan. Apat na beses na ring nanakawan si Mr. Chang, subalit marami pa ring mga Pilipino ang nagtangkang tumulong sa kaniya.

“I changed my mind. Filipinos are all so good. I’m very happy because Filipino people helped me. My income is very small, but it’s not a problem,” pahayag ni Mr. Chang.

I-CLICK ang imahe para sa video via YouTube Channel

Sa ngayon daw ay nakikituloy si Mr. Chang sa kaniyang kaibigan sa Las Piñas at inaabangan umano ang pagdating ng kaniyang misis sa mga susunod na buwan. Magpapatuloy umano siya pagtitinda ng mga Korean noodles. Masayang-masaya siya dahil maraming mga Pilipino ang natuwa sa kaniyang kuwento na naibahagi sa social media dahil sa isang concerned netizen.

“Every night, I always think that the Philippines is really good. I love the Philippines. I love the Filipinos. Thank you very much! huling mensahe ni Mr. Chang.

Panoorin ang naturang panayam sa ibinahaging video sa YouTube Channel:

Loading…