Kotse ng mag-asawa nailigtas sa baha sa Marikina dahil sa “floating garage”

Imahe mula kay Malee at Philip
  • Nailigtas ang sasakyan ng isang mag-asawa sa Marikina dahil sa floatable carport.
  • May high-grade pontoons sa ilalim ng carport kaya lumulutang iyon
  • Ang ideya ng floatable carport ay nabuo matapos ang bagyong Ondoy ilang taon na ang nakalipas kung saan ang Marikina ay nalubog sa baha

Nauna nang kumalat sa social media ang isang Mitsubishi Xpander na nailigtas sa baha dahil sa malikhaing ideya ng may-ari mula sa Cainta, Rizal. Ibinalot niya ang kanyang sasakyan sa malaking lona kaya lumutang iyon sa tubig at hindi napinsala.

Screenshot mula sa video ni Daddy M’ Castro

Sa Marikina naman, isang sasakyan din ang nailigtas mula sa bahang dulot ng bagyong Ulysses dahil sa garahe nito na idinisenyo talaga para lumutang sa baha. Floatable carport ang tawag dito, ayon sa nagdisenyo nito.

Ang carport ay idinisenyo na parang balsa na kusang lumulutang sa tubig dahil sa nakakabit na high-grade pontoons sa ilalim na bahagi nito.

At para hindi mapadpad sa ibang lugar ang kotse at ang floatable carport, nakakabit ang carport sa dalawang vertical guide rails kaya tataas lang ito at bababa kapag may baha, at hindi papaling sa ibang direksyon.

Ang ideya ng floatable carport ay nabuo umano matapos ang bagyong Ondoy ilang taon na ang nakalilipas kung saan ang Marikina ay nalubog sa baha. Idinisenyo ito upang makayanan ang pananalasa ng mga darating pang bagyo na kasing tindi ng “Ondoy.”

Screenshot mula sa Realty TV video

Wala mang may nais na mangyari ulit ang malaking pinsalang dulot ng Ondoy, muli iyong naulit dahil sa bagyong Ulysses dalawang linggo na ang nakararaan. Maraming ari-arian ang nawasak kabilang na ang mga sasakyang nalubog sa baha.

Pero dahil sa pagiging epektibo ng disenyo ng floatable carport, ang sasakyan ng mag-asawang nakatira sa isang “smart townhouse” ay nailigtas.

Ang floatable carport ay isa lang sa mga features ng naturang flood-proof house. Ang terrace nito sa second floor ay floatable din na maaaring gamiting balsa kung kinakailangan.

Imahe mula sa Buensalido Architects
Source :

Inquirer, TopGear

Loading…