Kuwento ng kasipagan ni Gloc-9 noong bata pa siya nagdulot ng inspirasyon at pag-asa

  • Isinalaysay ni Gloc-9 ang isang karanasan noong bata pa siya
  • Naglako siya ng pandesal upang makabili ng laruan
  • Wala raw pagkabigo sa mga taong may maayos na pagkilos o hangarin

Isa sa mga kinikilalang mahusay na rapper ng bansa si Gloc-9 o Aristotle Pollisco sa tunay nitong pangalan. Nakilala siya sa kaniyang mga collaborations at hit songs “Lando” kasama si master rapper Francis Magalona, “Upuan” kasama si Jaezelle, “Bagsakan” kabilang ang Parokya ni Edgar, at marami pang iba.

Subalit kagaya ng iba ring celebrity, aminado si Gloc-9 na nagsimula rin siya sa isang mahirap na sitwasyon noong bata pa siya. Ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post nitong Nobyembre 13, sa kasagsagan ng pananalasa ni bagyong Ulysses at pagkawala ng suplay ng kuryente, ang kuwento ng kaniyang pagkabata.

Public Domain Image

“Dati noong Grade 4 ako gusto ko makaipon ng pambili ng laruan na gusto ko. Sabi ko sa Nanay ko hiram ako ng 50 pesos ibabalik ko ulit. Kinabukasan pumunta ako sa bakery sa bayan ng 5 AM binili ko lahat iyon ng pandesal. Nilagay sa kahon na may lampin na panapin para ‘di lumamig tapos naglakad na ‘ko para maglako,” paunang salaysay ng rapper.

Subalit sa kaniyang paglalako, biglang umulan nang malakas. Nabasa siya at lahat ng paninda niyang pandesal. May isang matandang babaeng nagkakape sa balkonahe ng kaniyang bahay ang nakapansin sa kaniya. Tinanong kung ano ang paninda niya. Nang sabihin niyang pandesal, pinakyaw nito ang lahat.

“Sobrang saya ko kasi naibalik ko yung 50 pesos ni Nanay pamuhunan ko tapos may tubo pa akong 40 pesos. AYOS!” aniya.

Ibinigay niya ang aral na maaaring mapulot ng sinoman sa kuwento niyang ito.

“Kung tama ang pagkilos at ang hangarin mo sa paggawa ng isang bagay, tandaan mo na hinding-hindi ka mabibigo. Kaya huwag mawawalan ng pag asa! Puwedeng mabilis ang balik o pwedeng matagal pero isa lang ang sigurado,  magtatagumpay ka!”

Public Domain Image

Ikaw, ano ang aral na nakuha mo sa kuwentong ito ni Gloc-9?

Source :

Facebook

Loading…