Kuwento ng “sunog na pritong manok” kinalugdan

  • Naantig ang mga netizens sa isang kuwento
  • Tungkol ito sa “sunog na ulam”
  • Dapat nating mahalin ang mga ilaw ng tahanan anoman ang kakayahan nila

Ang pagiging isang maybahay o ilaw ng tahanan ay hindi “basta-basta” lamang at hindi dapat minamaliit. Kahanga-hanga ang mga inang nagagawang pagsabayin ang mga gawaing-bahay, pag-aalaga sa mga anak, at pag-aasikaso sa kanilang mga asawa.

Kaya naman, humaplos sa puso ng mga netizens ang isang kuwento hinggil sa “sunog na pritong manok” na ibinahagi ng nagngangalang “Ronnie M. Galang” sa Facebook page na “Memories of Old Manila and Beyond.” Pinamagatan itong “Sunog na Ulam.”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila and Beyond / Public Domain Image

Ang tagpuan ng kuwento ay sa isang tipikal na bahay ng isang simpleng pamilya.

“Sabado ng gabi naghain si Nanay sa mesa ng aming hapunan. Napansin kong sunog ang ipinirito niyang manok. Hinihintay namin si Tatay na dumating para sumabay sa pagkain. Maya-maya pa ay dumating na si Tatay galing sa trabaho at umupo sa mesa, nagdasal at nagsimulang kumain. Hinihintay ko ang reaksyon ni Tatay sa sunog na prito ni Nanay. Ngunit ni wala akong narinig na salita mula kay Tatay,” ayon sa kuwento.

“Nag-sorry si Nanay dahil nasunog ang kanyang prito. Mahal gustong-gusto ko ang sunog na pritong manok, sabi ni Tatay. Nagsimula na rin akong kumain at iniisip ko kung bakit sarap na sarap si Tatay sa ulam namin pero ako nalalasahan ko ang pait ng sunog na prito.”

Sa pagpapatuloy, “Pagkatapos kumain, hinugasan na ni Nanay ang aming pinagkainan habang nilalaro ko ang bunso kong kapatid. Nang inaantok na si Bunso, binuhat siya ni Tatay para dalhin sa kuwarto. Sumunod ako at nakita kong pinapatulog ni Tatay si Bunso sa kanyang dibdib.”

Public Domain Image

“Tinanong ko si Tatay tungkol sa ulam namin kanina. Tay, gusto mo po ba talaga ng sunog na prito ni Nanay?  Nakita kong ngumiti si Tatay at sinabi sa akin, Anak, hindi ko gusto ang sunog na prito. Hindi ako nagreklamo sa Nanay mo dahil pagod na pagod na siya sa buong araw niyang pagtatrabaho sa bahay at inaalagaan pa kayong magkapatid.”

At ang pinakamagandang pahayag sa kuwento na kakikitaan ng mensahe nito sa mga mambabasa ay, Ang sunog na ulam ay hindi nakasasakit ng damdamin, pero ang masakit na salita nakakasakit ng damdamin.”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “Kapag mahal mo ang asawa mo dapat both positive and negative sides niya mahalin mo rin. Walang taong perpekto.”

“I’m not a good cook but anything that I prepare for him, he would eat. You can’t hear any disappointment. That’s why whenever I’m cooking his favorite ulam, I remember he asks me if he can taste a little, if soup in a cup or if vegetable in a saucer. That is why I love to cook for him and my family. But sorry he is now in heaven,” kuwento naman ng isa.

Nakatataba ng puso ang pagkakaroon ng isang asawang maunawain. Nakai-inspire ang kuwentong ito, hindi ba?

Loading…