Lagi ka bang may “kahating-kapatid?”

  • Kinatuwaan ng mga netizens ang mga larawan sa isang Facebook post
  • Ipinakikita kasi rito ang “hating-kapatid”
  • Marami naman sa mga netizens ang nagbahagi ng kanilang mga salaysay

Isa sa mga kaugaliang Pilipino na bahagi ng ating kultura ay ang pagtutulungan at pagbibigayan. Hindi natin matitiis na kumakain tayo at ang kaibigan o mahal sa buhay natin ay hindi. Kaya naman, sa kabutihan ng ating kalooban, kaya nating ibigay, o kung hindi man ay hatiin ang mga bagay na mayroon tayo.

Iyan ang itinampok sa Facebook post ni Buffy Threader kung saan ipinakita niya ang mga larawang nagpapamalas ng “hating-kapatid.”

Imahe mula sa Facebook account ni Buffy Threader

“Every Filipino siblings culture be like,” ayon sa kaniyang caption.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.

“Ganiyan din kami ng sister ko. Nasanay kasi kami na kailangang hating-kapatid. Kung may pagkain ako, kailangan mayroon din siya,” kuwento ng isa.

Turan naman ng isa, “Isa iyan sa mga kaugaliang Pilipino na ipinagmamalaki ko sa ibang bansa. Hindi tayo papayag na hindi makakakain ang lahat. Hindi ba nga kapag may dumating sa bahay natin tapos nadatnan tayong kumakain, inaalok natin para kumain kahit hindi naman talaga siya kakain o magpapaunlak?”

“Yes, naalala ko ang laging sinasabi ng Nanang namin sa aming magkakapatid. Kailangan lagi kaming naghahati-hati sa mga bagay kasi mahirap lang kami. Nang magkaroon naman kami ng kani-kaniyang pamilya, okay na rin naman. Ganoon pa rin ang praktis namin. Nagbibigayan pa rin kaming magkakapatid,” sabi ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Buffy Threader

Bukod sa pagtutulungan at pagbibigayan, may kaakibat pang katuruan ang hating-kapatid. Iyan ang ibinahagi ng isang nagngangalang “Miss Anne” noong 2014 sa “Punto Mo” section ng “Philippine Star.”

Ayon sa kaniyang salaysay, problema nilang magkakapatid ang paghahatian ng pagkain noong bata pa sila. Ang madalas na hatiin ay iyong pasalubong ng kanilang Tatay kapag umuwi itoa galing sa Maynila. Ang madalas niyang pasalubong ay ubas, mansanas at chocolate cake.

Walang problema sa mansanas dahil mabilis hatiin, bawat piraso. Pinagtitiyagaan daw bilangin ng kanilang Nanay ang ubas para walang gulo sa hatian. Noon ay dalawa pa lang silang magkapatid. Hindi pa isinisilang si Bunso.

Espesyal na chocolate cake ang binibili ng kanilang Tatay sa isang bakeshop sa Quiapo. Sa paghahatian ng cake daw hindi magkasundo ang magkakapatid. Unahan sila kung sino ang maghahati. Pare-pareho raw silang “madadaya.”

“Kapag naunahan ako ng aking kapatid sa paghahati, nilalakihan niya ang isang portion para ‘yun ang kaniyang share. May naisip ang aking Nanay para tumigil na kami sa pagdadayaan: Kung sino ang maghahati ng cake, siya ang huling kukuha ng kanyang share. Kung sino ang hindi napagod sa paghahati, siya ang may pribilehiyo na maunang pumili ng kanyang share,” salaysay niya.

Public Domain Image

Dito raw niya natutuhan ang pagiging “patas” sa buhay; na kailangang igalang ang karapatan ng kapwa.

“Maganda ang naisip ng aking Nanay. Kapag ako ang inatasang maghati ng cake, sinisigurado ko na pantay ang ginagawa kong paghahati. Para kahit sino ang mauna o mahuli sa pagkuha ng share, walang maaapi sa hatian. Sa simpleng hatian ng cake ko natutuhan ang pagiging ‘parehas’ at pagrespeto sa karapatan ng ibang tao.”

Ikaw, ano ang kuwentong hating-kapatid mo?

Loading…