Lalaki sa Batangas nag-pictorial sa “indoor swimming pool” ng kanilang bahay

  • Pinag-usapan ang isang tinedyer na lalaki sa Batangas
  • Nag-photoshoot siya sa loob ng kanilang bahay na binaha
  • Talagang humiga siya sa tubig-baha

Kamakailan lamang ay nanalasa sa Pilipinas ang pinakamalakas na bagyo ng taong 2020 na pinangalanang “Rolly” sa unang araw ng Nobyembre; kasabay ng paggunita sa All Saints’ Day. Marami sa mga lugar na naapektuhan nito ang nakaranas ng pagbaha.

Imbes na magpaka-stress, pinagkatuwaan na lang ng isang tinedyer na lalaki na mag-pictorial sa loob ng kanilang binahang bahay sa Batangas, na tinawag niyang “indoor swimming pool.”

Ibinahagi iyan sa Facebook post ni Victor Tadia na talaga namang pinag-usapan.

Imahe mula sa Facebook account ni Victor Tadia

Makikita sa kaniyang ibinahaging mga larawan na nakahiga siya sa tubig-baha habang chillax na chillax na nag-pictorial. Makikita sa kaniyang background na nakabukas ang kanilang telebisyon; indikasyong may kuryente pa rin sa kabila ng pananalasa ni Rolly.

Ayon sa panayam kay Tadia ng TeleRadyo, tiniyak muna nilang hindi malalagay sa alanganin ang kaniyang sarili nang gawin nila ang pictorial. Mataas naman daw ang mga electrical socket nila kaya hindi nababad sa tubig-baha.

Makikitang lagpas-paa lamang naman ang tubig-baha na pumasok sa kanilang bahay, na hindi naman daw bago, ayon sa kaniya. Makalipas ang tatlong oras ay humupa na rin naman daw ang pagbaha, at nakatulong pa siya sa paglilimas ng tubig at paglilinis sa kanilang mga kapitbahay.

Bagama’t cool ang kaniyang ginawa at nakaaaliw sa mata, nagbabala naman ang mga netizens sa peligrong dala ng naturang pictorial, na hindi raw dapat gayahin ng mga mas nakababata.

“Huwag basta-basta gayahin. Napakadelikado nito lalo na kung ‘di mo alam may live wire pala. Di lahat ng nasa social media ay dapat tularan,” payo ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Victor Tadia

Turan naman ng isa, “That’s cool and funny, but so very not advisable. Please do not try this as this may cause electrocution or any water-borne disease.”

“Rich people will say, Ay madumi ‘yan, magkakasakit ka niyan. Marami akong nakikita na ganiyan, pati ako noong maliit pa ganiyan din gawain mas madumi pa diyan. Pero at least enjoy,” wika naman ng isa.

Panoorin ang naging ulat dito ng TeleRadyo via YouTube channel:

Loading…