Lalaki sa trending na larawan, inulan ng tulong

Imahe mula sa Facebook | Shirley Calleja at Ayagil Pelonio
  • Inulan ng tulong ang lalaki sa viral na larawan kamakailan
  • Makikita sa larawan si Tatay Amado Pelonio na nakangiti habang bitbit ang isang supot ng relief goods
  • Dahil naantig sa larawang iyon ay marami ang nagpadala ng tulong sa kaniya

Trending kamakailan ang larawan ng isang lalaki na sinuklian ng matamis na ngiti ang natanggap na biyaya mula sa isang grupo na nagsagawa ng relief operations sa kanilang lugar sa Camarines Sur.

Imahe mula sa Facebook | Shirley Calleja

Ibinahagi ng netizen na si Shirley Calleja mula sa Silent Paragon ang mga larawan mula sa ginawa nilang feeding program at pamimigay ng relief goods sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses, ngunit particular na kumurot sa puso ng netizens ang larawan ni Tatay Amado Pelonio.

Dito ay makikita siyang nakangiti habang yapos ang isang puting supot na naglalaman ng relief goods. Ayon sa netizens, nagsilbing paalala ang priceless na reaksyon ni tatay Amado na maging masaya sa mga biyayang natatanggap.

“Perfect photo. Kakaantig ng puso,” sabi ni R. Mariano.

“Nakatataba ng puso kapag ang kakarampot na tulong ay ikinatutuwa ng nakatanggap,” dagdag naman ni Qui N.

Dahil sa larawang iyon ay marami ang nagpaabot ng tulong para kay Tatay Amado. Bumalik doon ang uploader ng larawan upang maihatid sa kaniya ang mga karagdagang biyaya mula sa mga netizens na humanga sa kaniya.

Imahe mula sa Facebook | Ayagil Pelonio

“Maraming salamat po sa lahat ng nag-share ng photos ni Tatay. Mas marami na po tayong tutulong sa kaniya,” sabi ni Shirley.

Iniabot ni Shirley kay Tatay Amado ang cash donations at relief goods. Bukod pa sa mga ito ay may nagbigay rin ng kutson sa kaniya.

Samantala, nagpasalamat naman ang kaniyang anak dahil nagkaroon din ng salamin ang kaniyang ama sa tulong ng mabubuting netizens.

“Thanks po sa blessings. Another gift from God na nakapagpasalamin na po siya. Maraming salamat daw po ulit,” sabi ni Ayagil Pelonio sa isang Facebook post.

Nagpaalala naman si Shirley na maging ang mga maliliit na tulong ay maaaring magdulot ng malaking impact.

“Sometimes, one small act creates a big difference,” aniya.

Maraming salamat sa grupo ni Shirley at sa lahat ng mga nag-abot ng tulong para kay Tatay Amado.

Loading…