Locsin inatasan ang PH Mission sa UN na iboto ang kandidato ng China sa ICJ

Imahe mula sa UN News
  • Ang kandidato ng China para sa ICJ ang iboboto ng Pilipinas
  • Ito ay base sa utos ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin
  • Sa kabila nito, ang kandidato ng Japan at hindi ng China, ang nominado ng Pilipinas

Inatasan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro ‘Teddy Boy’ Locsin Jr. ang Philippine Permanent Mission to the United Nations na iboto ang kandidato ng China para sa International Court of Justice (ICJ).

“@DFAPHL @PHMissionNY You are instructed to cast the Philippine vote for the Chinese candidate to the International Court of Justice. That is your only clear instruction,” ani Locsin sa isang tweet nitong Linggo, Nobyembre 8.

Imahe mula sa DFA-Facebook

Limang posisyon bilang huwes ang mababakante sa ICJ at kabilang sa mga kandidato rito ay ang kasalukuyang vice president ng UN court na si Xue Hanqin ng China.

Si Xue, 65 anyos, ang isa sa mga tatlong babaeng jurist na kasalukuyang nakaupo sa ICJ at nakatakdang matapos ang termino sa Pebrero 2021.

Base sa dokumento ng UN, hindi si Xue ang nominado ng Pilipinas kung hindi ang kandidato ng Japan na si Yuji Iwasawa; habang sinusuportahan naman ng Estados Unidos kapwa sina Xue at Iwasawa.

Ang eleksiyon sa ICJ ay gaganapin sa Nobyembre 11 sa UN Headquarters sa New York City.

Imahe mula sa China Daily

Maliban kina Xue at Iwasawa, tumatakbo rin bilang huwes sina Peter Tomka (Slovakia), Julia Sebutinde (Uganda), Elias, Taoheed Olufemi (Nigeria); Georg Nolte (Germany); Maja Serši? (Croatia); at Emmanuel Ugirashebuja (Rwanda).

Ang ICJ ay binubuo ng 15 judge na inihahalal sa siyam na taong termino ng United Nations General Assembly at ng UN Security Council.

Kabilang sa hawak ng ICJ ay mga legal disputes sa pagitan ng mga bansa kabilang na ang maritime disputes, at pagbibigay ng advisory opinions sa mga di-pagkakaunawaan sa international law na inire-refer sa kanila ng UN General Assembly, bagama’t ang huli ay karaniwang ‘non-binding’.

Loading…