Lolong nag-iikot-ikot at gumagawa ng payong bilang hanapbuhay itinampok ng isang netizen

  • Isang lolong gumagawa ng payong ang kinaantigan ng mga netizens
  • Nag-iikot-ikot siya sa Pampanga upang mamulot ng payong upang muling gawin at ibenta
  • Inabutan naman siya ng tulong ng uploader ng kaniyang video

Itinampok ng isang concerned netizen na aktibo rin sa pagkakawanggawa ang naispatang lolong nag-iikot-ikot sa pamamagitan ng kaniyang bisikleta, at namumulot ng mga sirang payong upang maibenta, o kaya naman ay naghahanap ng mga customer na magpapagawa nito.

Makikita sa Facebook post ni “Shiwen Lim” sa kaniyang page na “Sabrinacio Footwear” ang uploaded video ng naturang lolo, na nagpaantig sa damdamin ng mga netizens. Nakilala niya ang lolo sa pangalang “Boy” na taga- Guagua, Pampanga. Kunwari ay magtatanong lamang siya ng direksyon patungong Angeles City, at nang masimulan na ang pag-uusap, dito na nagtanong-tanong ang uploader hinggil sa gawain ng lolo.

Imahe mula sa Facebook account ni Shiwen Lim

“Laban sa hamon ng buhay. Siya si Tatay Boy isang magpapayong taga-Guagua, Pampanga. Napahinto ako sa daan at pinagmasdan siya dahil sa ginagawa niya. Umiikot daw siya sa Pampanga gamit ang kanyang bike para mamulot at mag-repair ng mga sirang payong,” ayon sa uploader.

Hindi malakas ang kita ng lolo sa kaniyang ginagawa dahil madalang na lamang ang nagpapagawa ng payong ngayon. Subalit ang hinangaan ng netizen sa lolo, matibay ang pananalig nito sa Poong Maykapal. Mas pinili niyang magtrabaho kaysa magmakaawa at humingi ng tulong sa iba.

“Kaso sa hirap ng buhay matumal din daw magpagawa sa kanya. Pero ang nakakabilib sa kanya ay yung paniniwala at pananampalataya niya kay God, at kahit hirap siya, hindi niya inaasa sa iba ang buhay niya. At mas pinili niyang lumaban sa hamon ng buhay.”

Imahe mula sa Facebook account ni Shiwen Lim

Sa bandang dulo ng video, sinabi ni Shiwen na sadyang pinagtagpo sila ng Diyos. Inabutan niya ng isanlibong piso si Tatay Boy bilang tulong. Nang tanungin niya ito kung paano gagastahin ang pera, sinabi nitong ipamimili ng pagkain sa palengke. Ipinayo naman ni Shiwen dito na umuwi na at maggagabi na.

Panoorin ang naturang video via Facebook post ni Shiwen Lim:

Loading…