Na-love scam? Babae, 67, mahigit isang linggong hinintay ang dayuhang nobyo sa airport

Image capture from video by GMA News via YouTube
  • 67-anyos na babae, nagpadala ng libu-libong halaga ng pera at labis na umasa sa nobyong nakilala online
  • Mahigit isang linggo siyang nanatili sa airport at paniwalang-paniwala na lehitimo ang kausap
  • Ayon sa mga awtoridad, nadale ng love scam ang babae

Maging mapanuri sa mga nakikilala at nakakatransaksyon sa social media at baka ang kausap ay nanggogoyo lamang para makapanghuthot ng pera. Kagaya sa nangyari sa isang babaeng nabiktima ng “love scam” na nakapagpadala na ng libu-libong halaga at labis na umasa sa pagmamahal ng pinaniniwalaang nobyo.

Image capture from video by GMA News via YouTube

Batay sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News, nangutang pa sa iba at nagpadala noong nakaraang linggo ng $500 o mahigit P24,000.00 ang 67-anyos na babae para sa diumano’y gagamitin ng nagpakilalang nobyong retired US army para makaalis sa kampo sa Afghanistan at makuha ang kanyang $300,000 o higit P14-million na pension.

Sunod umano itong humingi ng P70,000.00 pambayad umano sa Immigration personnel upang makalabas ng airport. Mayroon din daw tatlong babaeng nabigyan na niya ng P20,000.00 na inutang din niya.

Mahigit isang linggo siyang nanatili sa airport kahihintay sa pinaniniwalaang nobyo, at kinukuhanan pa raw ng tig-P30,000 ng tatlong babae. “Kinukuhaan ako no’ng tatlong babae ng tig-P30,000. Saan ako hahagilap ng pera dito?”

Paniwalang-paniwala ang biktima na lehitimo ang kausap, “Nandito siya, hawak siya. Ayaw nila ibigay ‘yung bagahe niya kasi sabi niya gusto raw nila buksan ‘yung bagahe niya. Sabi ko naman, ‘No way!’”

Saad pa nito, “Hindi. Nandito siya. Hindi siya nanloloko ito. ‘Yung tatlong babae ang scammer.”

Image capture from video by GMA News via YouTube

Sinabi ni Airport Police Senior Inspector Nemencio Bawalan na nadale ng love scam ang babae.

“Sasabihin na siya ay na-hold sa Immigration at kinakailangan niya magbigay ng pera upang siya ay i-release. ‘Wag na ‘wag n’yo po itong gagawin kasi ito po ay scam.”

Marami nang napaulat na kahalintulad sa nangyari sa babae, na sana’y maging paalala na rin sa iba pa upang maging mas matalas sa mga manloloko.

Panoorin ang ulat ng GMA News:

Source :

GMA News, YouTube

Loading…