LTFRB nakapagrelease na ng P716-M na cash subsidies sa mga PUV operators

Imahe mula sa The Straits TImes
  • Nakapamahagi na ng P716-M ang LTFRB bilang cash subsidies sa mga kwalipikadong PUV operators
  • Ang bawat benepisaryo ay makatatanggap ng P6,500 bilang ayuda
  • Ito ay nakapaloob at pinondohan sa ilalim ng Bayanihan 2

Umabot na sa P716-M ang direct cash subsidies na na-release ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) mula sa kanilang Pantawid Pasada Program (PPP).

Ang PPP subsidy para sa mga piling operators ng public utility vehicles ay nakapaloob sa Bayanihan 2 kung saan naglaan ang pamahalaan ng kabuuang P1,161,214,210 bilang ayuda sa mga “critically-impacted road-based stakeholders” o yaong naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Imahe mula sa Twitter

Sa ilalim ng Bayanihan, ang lahat ng kwalipikadong operators ay maaaring tumanggap ng P6,500.

Sa panayam ng GMA News kay LTFRB OIC Zona Russet Tamayo nitong Miyerkules, sinabi ng opisyal na ang P716-M na kanilang naipamahagi hanggang noong Lunes ay para sa mahigit-kumulang na 110,000 operators ng mga apektadong bus, P2P buses, jeepneys, minibuses, UV Express at Philcab units.

“Yung funding po nito, specifically po na inilagay po sa batas ng Bayanihan 2 yung critically-impacted. That is why po mga operators po ang ating na-target at route-based nga po dahil hindi nga po sila nakabiyahe kaagad nga po because of the IATF health protocols din,” paliwanag ni Tamayo.

Makatatanggap din ang mga bus operators| Imahe mula sa PNA

Ayon sa LTFRB, maaaring gamitin ang naturang halaga para ipambayad sa utang, ipambili ng equipment at gamit na kailangan upang makasunod sa pinaiiral na IATF health protocols tulad ng face mask at face shield, gasolina/krudo, at iba pa.

Para sa mga hindi pa nakatatanggap, ayon sa LTFRB, ang pamamahagi ng Direct Cash subsidy ay gagawin sa alinman sa mga sumusunod na pamamaraan:

  1. Ilalagay sa inyong Landbank of the Philippines (LBP) Pantawid Pasada Program (PPP) Cash Cards.
  2. Sa mga walang PPP cash cards, ilalagay sa inyong existing LBP account.
  3. Ilalagay sa inyong existing bank account sa pamamagitan ng PESONet at INSTAPay.
  4. Over-The-Counter withdrawal sa mga LBP servicing branches.

Maaari lamang bisitahin ang website ng LTFRB para sa listahan ng mga kwalipikadong benepisaryo at karagdagang impormasyon.

Loading…