“Mag-retire? Naku, ano ‘yon?”: Gina Pareño, 73, miss na ang pag-arte sa harap ng camera

Image by Gina Pareño via Facebook
  • Gina Pareño, nami-miss na ang pag-arte sa harap ng kamera
  • Wala umano siyang balak mag-retiro sa showbiz yamang ang pag-arte na ang buhay niya
  • Gina: “‘Yan lang po ang inambisyon ko sa buhay ko, ang umarte”

Patok pa rin sa masa ang pangalang Gina Pareño dahil sa angking kinang na walang kakupas-kupas at ang de-kalibreng husay sa larangan ng acting. Mahal na mahal din ni Gina ang entertainment industry kaya’t labis umano niyang nami-miss ang muling pag-arte sa harap ng kamera yamang hindi pa pupuwedeng lumabas ang 73-anyos para magtrabaho.

Image by Gina Pareño via Facebook

Aniya sa panayam ng GMA Network, ang hiling niya sa kanyang kaarawan noong October 20, 2020 ay: “Sana mawala na ‘yung COVID, gusto ko nang umarte.”

Nabanggit naman na nakakasama pa rin siya sa ilang proyekto pero ang mga ito’y kuha sa bahay gamit ang mga gadget kagaya ng cellphone at laptop.

Pahayag ng beteranang aktres, sa una’y naninibago pa siya at naiilang pero habang tumatagal daw ay nae-enjoy na niya.

“Siyempre, katrabaho mo ‘yung mga bagets. Aba, hindi naman magpapatalbog ang iyong Lola Gets kaya later on, enjoy na enjoy ako. ‘Yan na ngayon ang new normal. Ngayon, kapag hindi mo sinabayan, aba, matetengga ka.”

Wika pa ng aktres, wala siyang balak magretiro sa showbiz sapagkat ang pag-arte na raw ang ginusto niya sa buhay kaya’t hanggang kinukuha pa siya ay patuloy niyang gagawin ito. Saad pa niya, baka madadali ang buhay niya at malulungkot siya kapag hindi siya umarte.

“Mag-retire? Naku, ano ‘yon? Hindi ko alam ‘yon,” sabi ni Gina. Dagdag pa nito, “Naku, enjoy na enjoy po ako, hahaba pa ang buhay ko. ‘Yan lang po ang inambisyon ko sa buhay ko, ang umarte.”

Image by Gina Pareño via Facebook

Sa ngayon, pahayag ng aktres, ay sumusunod siya sa health protocols at pinipiling manatili muna sa bahay para mas ligtas. Umiinom din siya ng mga bitamina at virgin coconut oil para sa kalusugan. Kasama pa rito ang lemon, honey, cinnamon at mga prutas.

Napagtanto umano niya sa panahon ng pandemya ang kahalagahan ng pagiging positibo at palaging masaya.

Dagdag niyang sabi, “At pinakaimportante sa lahat, magpasalamat tayo kay Lord at hindi niya tayo pinababayaan.”

Image by Gina Pareño via Facebook
Source :

GMA News, Bandera

Loading…