Magkano nga ba ang dapat na iregalo ng ninong at ninang sa mga inaanak?

  • Malapit na naman ang Pasko
  • Magbibigay na naman ng regalo ang mga ninong at ninang
  • Magkano nga ba dapat?

Isa sa mga tradisyon ng mga Pilipino tuwing sasapit ang Pasko ay ang pagmamano ng mga inaanak sa kanilang mga ninong at ninang, at kasunod nito, ay ang pagbibigayan naman ng mga aginaldo. Tradisyong maaaring mabago na rin at maaaring hindi na kagaya ng nakasanayang dumarayo pa ang mga bata sa mga tahanan nila, dahil sa kasalukuyang pandemya.

Ngunit ang tanong nga, magkano nga ba ang dapat na iregalo ng isang ninong at ninang sa kanilang mga inaanak? Kailangan bang mahal, may tatak, simple lamang o mas praktikal kung cash na lamang ang ibibigay?

Public Domain Image

Para kay Dolores, 56 na taong gulang, dahil isang beses lamang sa isang taon ang pagdiriwang ng Pasko, mas mainam daw na medyo may kamahalan at espesyal ang ireregalo niya sa mga inaanak. Gusto niyang masaya ang mga ito dahil espesyal ang aginaldo.

“Oo naman. Pinaghahandaan ko talaga ang pagreregalo. Masarap kasi sa pakiramdam kapag makikita mo ang ngiti sa labi ng mga inaanak mo. Ayokong basta-basta lamang ang ireregalo ko sa kanila,” sabi ni Dolores.

Salungat naman dito si Nestor, 33 taong gulang. Para sa kaniya, anoman ang iregalo sa mga inaanak ay malaking bagay na. “It’s the thought that counts”, ‘ika nga.

“Para sa akin, kahit na ano pang ibigay ko sa mga inaanak ko, hindi iyon ang mahalaga. Mas mahalaga pa rin sa akin na magabayan ko sila. Iyon naman ang sinumpaan kong tungkulin sa binyag, hindi ba?”

Iba naman ang opinyon ni Leah, 34 taong gulang. Sa panahon ngayon, mas praktikal daw na cash o pera na lamang ang ibigay sa mga inaanak. Mas ligtas daw iyon, lalo pa’t may kalayaan silang mamili ng mga gusto nilang items batay sa kanilang taste o gusto.

Public Domain Image

Walang requirement kung magkano nga ba ang dapat na presyo ng mga regalo ng ninong at ninang. Ang bottomline dito, anoman ang halaga ng regalo ng mga ninong at ninang, ang mahalaga ay naipakita ang pagbibigayan at paggalang sa isa’t isa.

Loading…