Mahigit 16,000 medical frontliners ‘di pa nakatatanggap ng hazard pay; DOH naubusan ng pondo

Imahe mula sa Hawaii FIlipino Chronicles
  • Mahigit pa sa 16,000 medical frontliners ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang hazard pay
  • Ito ay sa kabila ng nakapaloob pa ito sa Bayanihan 1 act
  • Ayon kay Senador Pia Cayetano, naubusan umano ng pondo ang DOH

Naubusan umano ng pondo ang Department of Health (DOH) kaya mahigit sa 16,000 na medical frontliners pa ang hindi nakatatanggap ng kanilang hazard pay, ayon kay Senador Pia Cayetano.

Si Cayetano ang vice chairman ng Senate finance committee at siyang nag-sponsor ng 2021 budget ng DOH sa Senado.

Sen. Pia Cayetano| Imahe mula sa Facebook

Sa ginanap na plenary debate, ibinunyag ni Cayetano na nakapag-release na ang DOH ng P842-M para sa hazard pay ng 86,348 na frontliner subalit nasa 16,764 pa rin sa kanila ang hindi pa nababayaran ng nasabing benepisyo.

“The reason for this is there is no more funding,” paliwanag ni Cayetano. “They just have enough for the length Bayanihan (1) was in effect… so for the new hires, that might have to be a separate appropriation.”

Noong isang araw nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang administrative order (AO) para sa benepisyong active hazard duty pay (AHDP) at special risk allowance (SRA) ng mga health workers.

Sa ilalim ng AO No. 35, ang mga medical, allied medical at iba pang personnel na kabilang sa human resources workers sa pampublikong sector na nagtrabaho at nasa frontline ng ginagawang hakbang ng gobyerno para labanan ang pandemya ay makatatanggap ng hanggang P3,000 kada buwan bilang AHDP.

Samantala, ang AO No. 36 ay nagtatakda ng SRA na P5,000 kada buwan sa mga medical workers sa pribado at pampublikong sekto na nagtatrabaho at may direktang contact sa mga nahawahan ng virus.

Imahe mula sa PNA

Ayon kay Cayetano, nangangailangan pa ang DOH ng mahigit P108.2-M upang mabayaran ang nasa 16,000 health frontliners.

Subalit humihingi rin daw ng klaripikasyon muna ang DOH sa Department of Justice (DOJ) kung kasali rin sa makatatanggap ang mga health workers na ‘technically’ ay hindi naman nasa frontlines.

“DOH is seeking clarification from various agencies… to get clarification if the public health workers at the central and regional offices of the DOH are entitled to receive it,” anang senadora.

Dati nang kinuwestiyon ng mga senador ang Malakanyang dahil sa pagkaantala ng pagrelease ng SRA ng mga forntliners na nakapaloob pa sa pinakaunang Bayanihan to Heal as One Act o Bayanihan 1.

Loading…