Manny Villar pasok sa listahan ng 2020 ‘Heroes of Philanthropy’ ng Forbes Asia

Imahe mula sa Primer.com
  • Isa si Manny Villar sa mga nakapasok sa listahan ng 2020 ‘Heroes of Philanthropy’ ng Forbes Asia
  • Siya ang nag-iisang Pinoy na nakapasok sa prestihiyosong listahan ngayong taon
  • Kinilala ng Forbes ang donasyong lupa ni Villar sa ilang eskuwelahan na nagkakahalaga ng P8-B

Isa ang negosyante at dating senate president na si Manny Villar sa mga napabilang sa listahan ng ‘Heroes of Philanthropy’ para sa taong 2020 ng Forbes Asia.

Si Villar, na nagsilbi ring kongresista at dating presidential aspirant, ang nag-iisang Pinoy na pumasok sa listahan na kinabibilangan ng mga mayayamang negosyante at pilantropo mula sa China, Japan, South Korea, Vietnam, Singapore, Hongkong, Australia at India.

Screenshot mula sa Forbes Asia

Sa write up ng Forbes Asia para kay Villar, kinilala nito ang donasyong lupa ni Villar sa Saint Jude Catholic School (2 ektarya) at University of the Philippines (5 ektarya) na may kabuuang halaga umano na umabot sa P8-B.

“He also contributed to new facilities at four Philippine schools. Villar, who grew up poor, credits education for shaping his character,” ayon sa magazine.

“Smaller donations have gone to churches, poverty alleviation and the fight against Covid-19, which included protective equipment and converting buildings into quarantine facilities,” dagdag pa nito.

Para kay Villar, na kilala sa kaniyang ‘rags-to-riches’ na kuwento ng pag-asenso, mahalaga umano sa kaniya ang edukasyon.

Sen. Cynthia Villar & Manny Villar| Imahe mula sa Twitter

“Education can uplift our people from poverty. It can provide dignity and jobs,” ani Villar sa kaniyang email sa Forbes.

Ang 70 anyos na bilyonaryo at dating pulitiko ang itinuturing na pinakamayamang Pinoy sa bansa ngayon na mayroong tinatayang yaman na aabot sa $5.6-B.

Siya ang chairman ng Vista Mall at Vista Land & Landscapes at may-ari din ng Golden Bria; isang housing and condominium developer. Ang kaniyang misis na si Senador Cynthia Villar ay siya ring pinakamayamang senador sa kasalukuyan.

Ang kaniyang anak na si Mark Villar ay nakaupo ngayon bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Loading…