Mas malaking pinsala, milyon ang maaapektuhan kapag ‘di nagpakawala ng tubig ang Magat Dam – NIA

Screenshot mula sa video via Twitter
  • Mas malaki ang pinsalang idudulot kapag ‘di nagpakawala ng tubig ang Magat Dam
  • Milyon-milyong tao rin umano ang maaapektuhan nito, ayon sa NIA
  • Handa rin daw silang harapin ang anumang kaso na isasampa laban sa kanila

Mas malaki ang pinsala at mas maraming tao ang maapektuhan kapag hindi nagpakawala ng tubig ang Magat Dam sa kasagsagan ng ulan na dulot ng bagyong ‘Ulysses’; ito ay ayon sa National Irrigation Administration (NIA).

Ginawa ng NIA ang pahayag sa gitna ng mga batikos na ang tubig umano na nagmula sa Magat Dam ang siyang dahilan ng malawakang pagbaha sa paligid ng Cagayan River. Isinisisi rin sa kanila ang hindi umano pagbibigay ng sapat na abiso sa mga residente bago magpakawala ng tubig sa dam.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Subalit ayon kay NIA Administrator Ricardo Visaya, kailangan nilang buksan ang dam dahil kapag hindi nila ito ginawa ay posibleng bumigay ang istruktura na magdudulot ng mas malaking pinsala sa milyong tao.

“Ang laki ng ating reservoir ng Magat is about 4,800 hectares. ‘Pag ito ang na-break, lumampas sa spilling level na 193 meters above mean sea level, mag-spill po ‘yan. Masisira po ‘yan at milyon-milyon po na tao ang maaapektuhan,” paliwanag ni Visaya sa panayam ng ‘Unang Hirit’ sa GMA.

May kailangang i-maintain umano na safety water level ang dam at ito ay dapat 193 meters lamang above mean sea level. Ibig sabihin, para mapanatili ito ay kailangang ang inflow ay katumbas din ng outflow.

NIA Administrator Ricardo Visaya |Imahe mula sa PIA

Paliwanag pa ni Visaya, walong tributaries ang dumadaloy papasok ng Magat reservoir mula sa Nueva Ecija at Ifugao at kahit hindi masyadong tinamaan ng bagyo ang lugar ay patuloy naman ang pag-agos ng tubig-ulan na siyang nagpataas ng level nito sa loob ng dam.

“However, noong November 12, hindi nag-landfall ‘yan sa Isabela ang Ulysses, but ang daming tubig na pumapasok sa Magat Dam. So anong gagawin natin diyan? So sinusunod natin ‘yung protocol,” wika pa ng opisyal.

Iginiit din ng NIA official na nagbigay sila ng sapat na abiso sa mga residente bago nila buksan ang dam.

“Bago ma-release naman niyan, lahat ng medium of dissemination, gaya ng radio, even email, telepono, siren sa mga malalapit na lugar ay ginagamit para maimpormahan lahat ng tao,” ayon kay Visaya.

Imahe mula sa Facebook-Damdamag Abra

Sa advisory umano nababanggit kung ilang volume ng tubig ang posibleng pawalan at kung anong oras ito gagawin upang mabigyan ng sapat na panahon para maghanda ang mga tao. Kadalasan daw ay anim na oras ang kanilang inilalaang palugit sa publiko.

Bukod dito, nakikipag-ugnayan din umano sila PDRRMC para ito na ang magbahagi ng impormasyon dahil hindi nila kayang magbahay-bahay pa na trabaho na ng lokal na pamahalaan.

Para naman sa posibleng kasong isasampa laban sa kanila, naiintindihan umano nila ito at handa silang harapin ang anumang reklamo.

Loading…