Mga balikbayan, anak at foreigner na asawa, puwede nang bumalik sa ‘Pinas simula Disyembre 7

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Maaari nang pumasok muli sa bansa ang mga balikbayan simula sa Disyembre 7
  • Kabilang na rito ang kanilang mga anak at maging ang kanilang foreigner na asawa
  • Natuwa naman ang Department of Tourism sa hakbang na ito ng gobyerno

Papayagan nang makapasok muli sa bansa ang mga balikbayan, kabilang na ang kanilang mga anak at banyagang asawa, simula sa Disyembre 7 ayon sa pinakahuling anunsiyo ng Malakanyang.

Noong nakaraang Huwebes, Nobyembre 26, ay nilagdaan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang Resolution No. 8 kung saan nakasaad dito na maaari na silang bumalik sa bansa basta’t mayroong pre-booked na quarantine facility at sasailalim sa COVID-19 testing sa airport.

Imahe mula sa DOT

“They, too, must be subject to the maximum capacity of inbound passengers at the port and date of entry,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing nitong Biyernes.

Kaugnay nito, inatasan din ang Bureau of Immigration (BI) na magbalangkas ng guidelines upang maipatupad ito nang maayos, habang ang Department of Tourism (DOT) naman ang bahala sa guidelines para sa pagbibigay ng sapat na accommodation sa mga nabanggit base sa resulta ng COVID testing.

Para sa DOT, isa itong magandang hakbang para sa travel industry na isa sa mga industriyang lubhang naapektuhan ng pandemya sa mga nakalipas na buwan.

Sec. Puyat| Imahe mula sa League Magazine Online

“This not only bodes well for our ailing industry but is good tidings for our kababayans who have been clamoring to be reunited with their loved ones from abroad, especially this yuletide season,” ayon sa pahayag ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

Ayon pa kay Puyat, ang mga balikbayan, o yaong mga dating Filipino citizens, ay isa sa mga pinagkukunan ng sector ng turismo sa bansa partikular na yaong mga nabibilang sa second and third generation dependents na hindi pa natutuklasan ang pinagmulan ng kanilang mga magulang.

Loading…