Mga dolyares na nakaipit sa mga pahina ng magazine nasabat sa NAIA

Imahe mula sa Bureau of Customs
  • Bureau of Customs, nakasabat sa NAIA ng mga dolyares na hindi deklarado
  • Ang dolyares ay nakaipit sa pagitan ng mga pahina ng ilang magazines na nakalagay sa loob ng mga pakete
  • Ngayong 2020, umabot na sa P29,875,000 ang nasamsam ng Bureau of Customs na mga undeclared US dollars

Nasabat ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa bodega ng FedEx ang US dollars na nakaipit sa pagitan ng mga pahina ng mga magazine na nakalagay sa loob ng mga paketeng idineklarang mga dokumento ang laman.

Imahe mula sa Bureau of Customs

Umabot sa halagang $38,700 o katumbas ng P1,868.823 ang mga nakumpiskang dolyares sa loob ng tatlong iba-ibang pakete na dumating sa NAIA noong ika-2 ng Nobyembre.  Iisa lang umano ang nagpadala ng mga pakete, isang nagngangalang Jacqueline Paas mula sa Estados Unidos, na ipinadala sa iba-ibang consignees sa Poblacion, Muntinlupa City.

Nadiskubre ang mga dolyares nang isailalim sa inspeksyon ang mga pakete.

Noong nakaraang linggo lang, nasabat din ng Customs sa FedEx warehouse ang dalawang pakete na naglalaman ng hindi idineklarang dolyares. Idineklarang “correnspondence/no value” ang dalawang pakete na dumating sa bansa sa magkahiwalay na petsa – noong October 23 at October 29, 2020.

Isang tao lang ang nagpadala ng pakete mula sa Jefferson City, Missouri sa Estados Unidos. Ipinadala ang mga iyon sa iisang tao lang sa Poblacion, Muntinlupa rin. Umabot sa $13,500 o  katumbas ng P691,982 ang nasamsam na dolyares.

Imahe mula sa Bureau of Customs

Ngayong 2020, nakapag-isyu ang Bureau of Customs – Port of NAIA ng Warrants of Seizure and Detention kontra sa US undeclared currencies na ang kabuuang halaga ay umabot na sa P29,875,000.

Ang pagpupuslit ng pera sa pamamagitan ng mga pakete at sulat ay isa umanong technique ng money laundering, ayon sa 2015 report ng Financial Action Task Force on Money Money Laundering Through the Physical Transportation of Cash.

Loading…