Mga donasyong damit sa Rizal, itinapon lang sa kalsada at ilog

Image by Sidney Batino via Facebook
  • Nagkalat sa kalsada’t ilog sa Rizal ang mga donasyong damit
  • Nabahala ang maraming netizens sa pangyayari
  • May nauna nang pahayag ang DSWD kaugnay sa mga donasyong lumang damit

Ikinabahala ng marami ang mga donasyong damit na nakakalat sa kalsada at sa ilog sa Rizal. Ang mga damit ay ibinigay ng mga nagmamalasakit na kababayan para sana’y magamit ng mga residenteng naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.

Image by Sidney Batino via Facebook

Pagbabahagi ni Siney Batino sa Facebook, “Para po sa lahat ng nagbigay ng relief sa Rizal, sana po maibigay sa mas deserving na mabigyan para hindi po matulad niyan, itinapon lang sa kalsada at sa ilog.

“Nakakasama lang ng loob ‘pag nakita mo na ganyan mangyari, na ‘yung ibinigay mong tulong sa kanila. Hanap po tayo ng mas nangangailangan ng tulong ‘yung hindi masayang ‘yung efforts at pagod.”

Sinegundahan pa ito ng reaksyon ng mga netizens na sana’y pinahalagahan naman ang effort ng iba. “Hala, sayang naman. Pinaghirapan ‘yan tapos itatapon lang, sana naman po hindi na lamang nila tinanggap para ipamigay sa iba. Nakakawalang-gana naman ‘yan.”

Mayroon namang nagsabing mas maganda sanang pagkain o ibang pangangailangan na lamang ang ibinigay sa halip na damit.

“Mas maganda diyan pagkain talaga ang ibinigay kasi kapag ganyan talaga, medyo mahirap kasi kung wala naman talagang puwedeng magkasya sa kanila. Siyempre ganyan talaga ang mangyari diyan. Sasama lang loob natin, kaya kung maaari pagkain na lang talaga.”

Image by Sidney Batino via Facebook

Kaugnay rito, sa kanilang mga naunang pahayag ay nasabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na dini-discourage nila ang donasyong used clothes sa panahon ng mga kalamidad sapagkat nakapagpapababa raw ito ng dignidad ng mga survivors at maaari pa silang mahawa ng karamdaman mula sa iba.

Naaayon ito sa Republic Act 4653 o “An Act To Safeguard The Health Of The People And Maintain The Dignity Of the Nation By Declaring It A National Policy To Prohibit The Commercial Importation Of Textile Articles Commonly Known As Used Clothing And Rags”.

Image by DSWD Support – Philippines Today via Facebook

Loading…