Mga guro, inhinyero sa isang paaralan sa Zamboanga Sibugay gumawa ng disinfectant sa mga modules

  • May imbensyon ang mga guro at inhinyero sa isang pampublikong paaralan sa Zamboanga Sibugay
  • Ito ay makinarya upang ma-disinfect ang mga learning modules
  • Gusto na rin itong gayahin ng kanilang mga karatig-paaralan

May ilang mga eksperto ang naglabas ng kanilang pag-aaral na ang coronavirus na nagdudulot ng COVID-19 ay maaaring magtagal nang ilang oras sa surface na kinalalagyan nito, kaya ibayong pag-iingat ang kinakailangan, lalo na sa paghawak ng mga bagay sa paligid.

Kaya naman, ibinahagi sa opisyal na Facebook page ng “DepEd Philippines” ang makabagong paraang naisip ng mga guro sa Kabasalan National High School (KNHS) sa Zamboanga Sibugay. Gumawa sila ng isang makinarya upang maging ligtas ang paggamit sa kanilang mga learning modules na tinawag nilang “Improvised Light Chamber Disinfectant o ILCD.”

Imahe mula sa Facebook page ng DepEd Philippines

Ayon sa DepEd, ito ay inimbento ng mga gurong sina Alden Roy Aure, Rodelo Eulogio, Almond Montegrejo, Julius De Asis at Engr. Dennis Antiguan upang maging ligtas sa anomang porma ng mikrobyo at viruses ang mga ginagamit nilang GIYA (Guided, Integrated, Yearning, Activities) modules. Ang giya na salitang Bisaya ay nangangahulugang “gabay” sa wikang Tagalog.

“Una naming ginamit ito noong makalawang linggo ng Oktubre sa aming unang pagkolekta ng mga modules nang sa gayon maging ligtas ang mga guro na susuri sa mga ito. Bago namin ipamahagi muli ang mga modules ay muli itong dadaan sa ILCD para naman sa mga kaligtasan ng mga mag-aaral at magulang na makakatanggap nito,” paliwanag ng punungguro ng paaralan na si Principal Lhorelle Cabalida.

Kaya nitong mag-disinfect ng 500 learning modules sa loob ng 7 minuto gamit ang mercury light chamber nito,  alinsunod na rin sa World Health Organization (WHO) na sa akmang temperatura at oras ay nakakapatay ng COVID-19. Kaya rin nitong patuyuin ang mga nabasang learning modules dahil sa nagdaang mga pag-ulan upang muling magamit ng mga mag-aaral.

Imahe mula sa Facebook page ng DepEd Philippines

“At sa ngayon po may mga ibang eskwelahan na rin ang nagkakainteres na magkaroon ng makinarya na ito sa kanilang lugar. Ang KNHS naman po ay nakahandang tumulong sa kanila para sa kaligtasan at kaginhawahan ng mga guro at mag-aaral, ganoon po ang tunay na diwa ng bayanihan lalo na at tayo ay nasa pandemya,” wika ng punungguro.

Mabuhay ang mga guro ng Kabasalan National High School!

Loading…