Mga lumang Star Wars toys na natagpuan sa garbage bags naibenta ng mahigit P25 million

Imahe mula sa Aston's Auctioneers
  • Nagulat ang isang mag-asawa sa England sa laman ng trash bags na ipinamana sa kanila ng namayapang kapitbahay
  • Mga Star Wars toys na karamihan ay nasa original packaging pa ang laman ng trash bags
  • Naibenta ang mga laruan sa halagang£400,000 na katumbas ng P25,356,418.23

Isang napakagandang surpresa ang hindi inaasahang matatanggap ng mag-asawa sa Great Britain nang ipamana sa kanila ng namayapa nilang kapitbahay ang ilang gamit nito na nakalagay sa mga garbage bags.

Imahe mula sa Aston’s Auctioneers

Nagulat at noong una ay hindi alam ng mag-asawa mula sa Stourbridge sa central England kung ano ang gagawin sa nakitang laman ng mga trash bags – mga Star Wars toys na ilang dekadang kinolekta ng kapitbahay nila.

Tumawag ng auctioneer ang anak nila upang malaman ang halaga ng mga laruan kung ipasusubasta nila ang mga iyon. Hindi inaasahan ng auctioneer na isang treasure trove ng Star Wars memorabilia ang madaratnan niya sa bahay ng pamilya.

Karamihan sa mga laruan ay nakabalot pa sa orihinal na packaging, pero ang iba ay mamasa-masa na. Sabi ng auctioneer, iyon ang pinakamagandang koleksyon ng Star Wars toys na nakita niya.

“A lot of them were a bit damp because of how they’ve been stored but generally it’s the best Star Wars collection I’ve ever seen,” sambit ni Chris Aston ng Aston’s Auctioneers.

“We had a huge amount of interest from all over the world and were always expecting the sale to do very well,” sabi pa niya.

Imahe mula sa Aston’s Auctioneers

Kabilang sa mga isinubasta ang Star Destroyer Commander; isa sa sinasabing dalawa na lang nito na nasa original packaging pa, ay naibenta sa halagang £32,500 (P2,060,208.98). Isang Palitoy Jawa na nasa original packaging din ang naibenta ng £27,280 (P1,729,307.72).

Walong pigurin naman mula sa “Star Wars: Return of the Jedi” na orihinal na nabili sa presyong £1.59 bawat isa noong 1980s ay nabili sa halagang £1,400 (P88,747.46).

Umabot sa £400,000 (P25,356,418.23 ) ang lahat ng naisubastang Star Wars toys.

Sabi ni Aston, parang tumama sa lotto ang mag-asawa.

Imahe mula sa Aston’s Auctioneers

Loading…