Mga menor de edad malapit nang payagang pumasok sa mga mall

Imahe mula sa PNA
  • Sa mga susunod na araw ay maaari na ring lumabas ang mga menor de edad at pumasok sa mga mall kasama ang kanilang mga magulang
  • Pagtitibayin ito ng mga alkalde sa pamamagitan ng ordinansa
  • Pinaghahandaan na rin daw ng Metro Manila mayors ang paparating na Kapaskuhan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19

Papayagan na rin ang mga menor de edad na lumabas ng kanilang tahanan at pumunta sa mga mall kasama ang kanilang magulang kapag naglabas na ng ordinansa kaugnay nito ang kanilang mga alkalde.

Imahe mula sa PCOO

Inanunsyo ito ni Department of Interior and Local Government Sec. Eduardo Año sa isang televised briefing kasama si Pang. Rodrigo Duterte Lunes ng gabi.

“Para na rin po sa Kapaskuhan, doon po sa ipinag-utos natin na puwede na ang gradual expansion ng mga age group para makalabas. Ang mga minors po, basta accompanied ng mga magulang ay papayagang makalabas at makapunta sa mall,” paliwanag ni Año.

Ang mga alkalde ng mga lungsod sa Metro Manila at iba pang lugar na nasa ilalim na ng general community quarantine (GCQ) ang siyang maglalabas ng ordinansa kaugnay nito.

Imahe mula sa PCOO

Kabilang sa mga sasailalim sa GCQ ang National Capital Region, Batangas, Iloilo City, Tacloban City, Lanao del Sur, Iligan, at Davao City. Samantala, ang iba pang parte ng bansa ay sasailalim na sa modified general community quarantine mula Disyembre 1 hanggang 31.

Dagdag ni Año, naghahanda na ang mga alkalde sa Maynila upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa pagdiriwang ng Kapaskuhan. Paalala niya, hindi pinapayagan ang pagdaraos ng Christmas party at Christmas caroling.

Maging ang mga family reunion daw ay itinuturing nila na mass gathering kaya paalala niya, immediate family members na lang muna ang magsama-sama sa pagdiriwang.

Una nang pinayagang lumabas ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases iyong mga edad 15 to 65. Bago ito ay mahigpit na pinagbawalan ang mga below 21 years old at above 60 years old na lumabas sa kanilang tahanan.

Source :

Facebook, PNA

Loading…