Mga plastik na bote maaaring gawing rescue boat

  • Hinikayat ng SAGE Industries ang mga netizens
  • Gawing challenge ang paggawa ng alternatibong rescue boats sa bawat bahay
  • Ito ay yari sa mga plastik na bote

Nitong Nobyembre ay nakaranas ang bansa ng halos sunod-sunod na paghambalos ng mga bagyo gaya nina Quinta, Rolly, Sonia, Tonio, at ang huli nga ay si Ulysses na talaga namang nagpalubog sa maraming mga lugar sa iba’t ibang lalawigan at rehiyon. Marami ang nangailangan ng pagsagip dahil umabot hanggang beywang o lagpas-tao ang antas ng tubig-baha, kaya muling nabuksan ang isyu ng pagkakaroon ng mga makabagong kagamitan sa pagliligtas o rescue.

Bilang alternatibo, hinikayat ng SAGE Industries sa kanilang Facebook page na gawing compulsory sa bawat kabahayan na bumuo at magkaroon ng rescue boat na gawa sa mga pinagdikit-dikit na boteng plastik, upang magamit sa mga panahon ng pangangailangan, kagaya ng pagbaha.

Imahe mula sa Facebook page na SAGE Industries

“Let it be compulsory for all households in all catch basin areas in Luzon, or wherever necessary in the country to acquire and build boats from very cheap plastic bottles. This is just a simple but effective tech that should have been popularized long ago by the media or the science and tech department. Sharing is caring,” ayon sa kanilang post.

Hinikayat pa nila ang mga netizens na ang mga ganitong bagay ang dapat ginagawang “challenge.” Tinawag nila itong “Build a Boat” challenge na maaaring itampok sa mga social media.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Ito dapat project ng bawat barangay, para mabawasan ang mga kalat na plastic bottles. Gumawa ng mga ganyang rescue boats sa bawat bahay, lalo na sa mga lugar na palaging binabaha, para sa oras ng emergency may magamit,” ayon sa isa.

Turan naman ng isa, “Nice idea for a school project/barangay contest. Nakaka-recycle pa. May tutorial link ba kung paano gawin ‘to?”

“Wow ang galing… tama ‘yan para walang mga plastic na nagkakalat,” sabi naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook page na SAGE Industries

Magandang ideya, hindi ba? May magagamit na sa emergency, nakatulong pa sa kalikasan!

Source :

Facebook

Loading…