
- Isang lugar sa Marinduque ang kinailangang itaas ang kanilang mga modem at router sa tulong ng mahahabang kawayan upang makasagap ng signal
- Kuwento ng isang netizen, ang ilan sa mga residente doon ay kinakailangan pang pumunta sa ibang bayan o lugar maka-konekta lamang sa Internet
- Hiling nila, sana ay magkaroon ng mas maayos na serbisyo sa kanilang lugar
Malaki ang naging epekto ng COVID-19 pandemic sa bansa. Maraming mga negosyo ang nagsara kaya naman nawalan din ng trabaho ang ilang mga empleyado.

Bukod dito ay kinailangan ding magsagawa ng online classes upang maprotektahan ang mga mag-aaral mula sa posibleng pagkahawa sa virus. Sinabi noon ni Pang. Rodrigo Duterte na habang wala pang bakuna kontra COVID ay hindi niya muna papayagan ang face to face classes.
Ngunit maraming mga kabataan ang nahihirapan sa “new normal” setup na ito dahil kinakailangan nito ng gadget kagaya ng smartphone, tablet, o laptop. Bukod dito, kailangan ding magkaroon ng stable na Internet connection upang makasabay sa klase.
Ang mga residente ng Brgy. Duyay sa Boac, Marinduque, nahihirapan na makasagap ng signal sa kanilang lugar kaya naman nakaisip sila ng solusyon na kanilang ibinahagi sa Facebook.

“These are NOT barangay street lights or TV/radio antenna. Guess what, these are home wifi modem or routers na kailangang isabit sa dulo ng isang mahabang kawayan, ibalot ng plastic, at ilagay sa loob ng binutas na water bottle para makakuha ng signal at makapag-Internet or mag-online class,” sabi ng Facebook page na BOAC Town Updates kalakip ang mga larawan nito.
Dagdag pa nila, common sight na ang mahahabang kawayan na pinagsasabitan ng mga wifi modem at router sa kanilang lugar.
Komento ng isang residente na si Jerome M., sadyang mahirap talagang makasagap ng signal sa kanila at hiling niya na maayos ito “para hindi na gumastos sa pamasahe ‘yong iba na kailangan pang pumunta sa bayan o saan mang lugar na malakas ang signal.”
Ang ilang netizens naman ay nanghihingi ng aksyon mula sa mga network provider dahil maging sa kani-kanilang lugar ay mahirap ding makasagap ng signal.