Mga residenteng nababad ang mga paa sa baha, nagkaroon ng alipunga

Screenshot mula sa GMA video
  • Lubog pa rin sa tubig-baha ang ilang lugar sa Tuguegarao City sa Cagayan at Hagonoy, Bulacan kahit mahigit isang linggo na matapos ang hagupit ng bagyong Ulysses
  • Ilang residente ang dinapuan ng alipunga dahil sa matagal na pagkababad sa maruming tubig-baha
  • Bukod sa ayudang pagkain at tubig, gamot sa alipunga ang hiling ng mga apektadong residente

Mahigit isang linggo na ang nakalipas matapos manalasa ng bagyong Ulysses sa Luzon ngunit marami pa ring mga lugar ang nananatiling lubog sa baha tulad ng ilang barangay sa Tuguegarao City sa Cagayan at sa Hagonoy, Bulacan.

Screenshot mula sa GMA video

Ang panawagan ng mga residente, bukod sa ayudang pagkain at tubig, ay gamot para malunasan ang alipunga sa kanilang mga paa sanhi ng ilang araw na pagkababad sa maruming tubig-baha.

Kuwento ng isang residente sa Barangay Linao Norte sa Tuguegarao City, ilan sa mga kalugar niya ang papilay-pilay na kung lumakad dahil sa sakit sa balat na dumapo sa kanila.

Ayon kay Dr. Carlos Cortina ng Cagayan Provincial Health Office, may mga nakahanda na silang mga gamot bago pa tumama ang bagyo sa kanilang probinsya.

“Nakapre-position na ako ng mga gamot as early as two weeks ago. Ang gamot ng province ay nasa consignment system. So, I can always call ‘yung mga consignors to deliver medicines anytime kung kukulangin,” wika ng doktor.

Dalawang barangay naman sa Hagonoy – ang Barangay San Miguel at Barangay Sto. Niño –  ang lubog pa rin sa baha kaya dinapuan na rin ng alipunga ang maraming residente doon.

Screenshot mula sa GMA video

Ang alipunga ay nagdudulot ng pangangati, panunuklap ng balat, pangangaliskis ng balat, pamumula, paghapdi, pagsusugat at pangangamoy ng paa.

Madali namang makabili sa mga botika ng gamot na pamahid para sa alipunga. Inirerekomenda rin ng mga doktor ang pagbababad ng mga paa sa tubig na may asin o kaya ay suka upang mabilis matuyo ang mga paltos.

Imahe mula sa Healthline
Source :

MSN, GMA Network

Loading…